Le Tour aarangkada sa Legazpi

NAKATUTOK ang mga cycling fans kina Mark Galedo at Rustom Lim ng 7 Eleven Road Bike Philippines na sasagupa laban sa mga dayuhang siklista sa ikawalong edisyon ng Le Tour de Filipinas na sisikad ngayon sa Legazpi City.

Sina Galedo at Lim ay lumahok sa Herald Sun Tour dalawang linggo na ang nakalipas kung saan nakasagupa nila si Tour de France champion Chris Froome.

Ang experience na nakuha nila sa pagsali sa Herald Sun Tour ay magagamit nila sa Le Tour de Filipinas kung saan makakaharap nilang muli ang mga bigating dayuhang siklita sa pangunguna ng Frenchman na si Thomas Lebas ng Kinan Cycling Team na nanalo sa Le Tour noong 2015.

Tulad ni Lebas, puntirya din ni Galedo na muling makamit ang koronang kanyang napanalunan noong 2014.

Hindi naidepensa ni Lebas ang kanyang korona noong isang taon matapos na maaksidente sa karera habang si Galedo naman ay binantayan ng husto ng mga riders mula Kazakhstan.

“I wanted to win the crown again,” sabi ng 31-anyos na si Galedo na piniling lumahok dito kaysa sumali sa Le Tour de Langkawi sa Malaysia na mag-uumpisa isang araw pagkatapos ng Le Tour de Filipinas.
“It’s my mission and I want it bad.”

Ang Stage One ng karera na itinataguyod din ng AIR21 at suportado ng UBE Media Inc. ay sisikad mula Legazpi City tungo sa Sorsogon City na may kabuuang 164.5 kilometro.

Gaganapin ang Stage Two sa Pebrero 19 mula sa Sorsogon patungong Naga City na may distansiyang 177.35 kilometro kung saan nakataya ang King Of the Mountain sa mapanghamong bundok ng Tiwi patungo sa Camarines Sur.

Ang Stage Three ay tatahakin ang patag na 177.35 kilometro sa Pebrero 20 mula Naga City hanggang Daet, Camarines Norte.

Kasali rin sa karerang ito ang Team Ikyo (Japan), Bridgrestone Anchor Cycling Team (Japan), Oliver’s Real Food Racing (Australia), Terengganu Cycling Team (Malaysia), LX Pro Cycling Team (South Korea), Uzbekistan National Team, CCN Cycling Team (Laos), Keyi Look Sport Cycling Team (China), United Arab Emirates National Team, Attaque Team Gusto (Chinese Taipei) and Sapura Cycling Team (Malaysia).

Read more...