Anyare sa San Miguel?

SA kabuan ng Philippine Cup elims ay minsan lang nakatikim ng kabiguan ang defending champion San Miguel Beer. Ito ay nang hiyain sila ng Phoenix Fuel Masters, 92-85, sa kanilang ikalawang laro noong Nobyembre 30.
Matapos iyon ay rumatsada na ang mga bata ni coach Leovino Austria at napanalunan ang siyam na laro upang wakasan ang elims sa unang puwesto sa record na 10-1. Dahil doon ay nakakuha sila ng twice-to-beat advantage kontra sa Rain Or Shine na tinalo nila kaagad sa quarterfinals, 98-91, noong Pebrero 5.
Sa simula ng best-of-seven semifinal round ay agad tinambakan ng San Miguel Beer ang TNT KaTropa, 111-98, para sa ika-11 sunod na panalo.
Pero doon na natapos ang dominasyon ng Beermen sa liga. Matapos iyon ay napatid ang kanilang 11-game winning streak at nahatak sila muli pabalik sa lupa.
Mula sa Game Two hanggang sa Game Five ng semis ay minsan lang ulit nanalo ang San Miguel. Ito ay sa Game Four kung saan pumutok si Chris Ross na gumawa ng 31 puntos upang payukuin ng Beermen ang Tropang Texters, 97-86, at itabla ang serye sa 2-all.
Ang TNT KaTropa ay namayagpag sa Game Two (87-85), Game Three (98-92) at Game Five (101-94).
Dahil dito ay lamang na ang Tropang Texters sa serye, 3-2. Kung mamamayani sila ulit sa Game Six mamaya ay didiretso na sila sa best-of-seven championship round kontra sa magwawagi sa kabilang serye sa pagitan ng Barangay Ginebra at Star Hotshots.
Hindi magandang development ito para sa Beermen bagamat tila sanay naman sa paghabol ang mga bata ni coach Leo Austria. Hindi ba’t pinalis nila ang 3-0 abante ng Alaska sa Finals noong isang taon at napanalunan ang apat na games upang magkampeon?
Isang game lang ang kalamangan ng TNT KaTropa. So dalawang panalo lang at hindi apat ang kailangan ng Beermen upang makausad sa Finals. Mas madali, hindi ba?
Pero mas inspirado ang TNT Katropa. Kasi ito ang labanan ng mga flagship teams ng San Miguel Corporation at grupo ni Manny Pangilinan. So, bugbugang umaatikabo ang mangyayari mamaya sa duwelo ng Beermen at Tropang Texters sa Game Six sa Mall of Asia Arena mamaya.
Sisikapin ng TNT Katropa na tapusin na ang serye at huwag nang bigyan ng pagkakataon ang Beermen na makatabla at makapuwersa ng Game Seven.
Kung mananalo ang TNT Katropa, aba’y magandang panimula iyan para sa PBA coaching career ni Raoul “Nash” Racela. Ngayon lang kasi siya naging head coach sa PBA bagamat matagal na siyang assistant ng mga tulad nina Chot Reyes at Joseph Uichico na siya niyang hinalinhan.
Magkakaroon ng tsansa si Racela na makabuo ng Cinderella finish.
Pero teka, teka, teka. Si Racela lang ba?
E paano si Star coach Ercito “Chito” Victolero? Baguhan din siyang maituturing dahil ngayon lang siya, officially, naging head coach ng koponan. Puwedeng head coach siya ng Mahindra noong mga nakaraang taon kasi siya naman ang talagang naghahanda sa koponan at gumagawa ng plays. Pero ang nakalagay na head coach ay si Manny Pacquiao. First assistant coach ang designation ni Victolero.
Halimbawang matsambahan ng Star ang crowd-favorite Barangay Ginebra, e di dalawang baguhang coaches ang magkikita sa Finals. Tiyak na may makakakumpleto ng Cinderella Finish!

Read more...