Joshua, Julia tinupad ang Valentine wish ng mga fans

joshua garcia at julia barretto

MAGTATAMBAL sa unang pagkakataon sina Joshua Garcia at Julia Barretto ngayong Sabado sa Maalaala Mo Kaya para sa kwento ng dalawang pusong maagang namulat sa kahulugan ng wagas na pagmamahalan.

Ito ang post-Valentine gift nina Joshua at Julia sa kanilang fans na matagal nang nagre-request sa ABS-CBN na bigyan ng chance ang dalawa na magbida sa MMK. Una silang nagsama sa blockbuster hit at MMFF entry na “Vince & Kath & James”.

Nakilala ni John (Joshua) si Aika (Julia) sa mga panahong naghihilom ang puso nito sa kanyang huling relasyon. Susuyuin ni John si Aika, ngunit may pag-aalangan ang dalaga dahil takot siyang masaktan muli.

Magpapatuloy sa panliligaw ang binata hanggang sa mahulog na rin sa kanya si Aika. Mapapawi ni John ang takot ng dalaga na muling maiwan at bibigyan niya ng pagkakataon ang pag-iibigan nila.

Masaya sila sa piling ng isa’t isa hanggang sa ma-diagnose si Aika ng sakit na leukemia.

Paano nila haharapin ang hamong ito sa kanilang buhay? Ano na ang mangyayari sa kanilang pagmamahalan? Sino ang lalaban hanggang huli at sino ang bibitaw?

Makakasama din sa MMK episode na ito sina Allen Dizon, Nikki Gonzales, Devon Seron, Pamu Pamurada, Anjo Damiles, Kyra Custodia, Mikee Agustin, Lilet Esteban at Raine Salamante, sa direksyon ni Dado Lumibao at sa panulat nina Benson Logronio at Arah Jell Badayos.

Ang MMK ay pinamumunuan ng Star Creatives COO na si Malou Santos. Abangan ang longest-running drama anthology sa Asya, ang MMK hosted by Charo Santos, ngayong Sabado ng gabi sa ABS-CBN o ABS-CBN HD (SkyCable channel 167).

Read more...