Fees talks ang lahat

LILIPULIN ang masasama, pati na mga hayop at ibon, dahil pinagsisihan ang pagkakalalang sa kanila. Iyan ang Pagninilay sa Unag Pagbasa sa Ebanghelyo (Gen 6:5-8, 7:1-5, 10; Sm 29:1a, 2, 3ak-4, 3b, 9k-10; Mc 8:14-21) sa ikaanim na linggo ng karaniwang panahon.

Nililipol ng gobyerno ang masasama paisa-isa, lalo ang nanlalaban. Kung may mali at kahindik-hindik sa panlilipol, may husgadong dulugan. Nilipol ng Diyos ang lahat ng tao—at hayop—sa Sodom at Gomora at sa delubyo sa panahon ni Noe dahil Siya naman ang nagpahiram ng buhay sa lahat.

Ang maniwala sa peace talks ay walang bait sa sarili. Di na sila nadala sa napakahabang panahon. Palagi na lang silang niloloko ng kausap. Ang manloloko ay higit na mas magaling sa utu-uto; produkto pa naman sila ng tanyag na mga unibersidad.

Di totoo ang peace talks. Ang tunay ay fees talks. Ang NPA, Abu Sayyaf, Pentagon, Lost Command, immigration, customs, BIR, PNP, BFP, BJMP, DENR, DA, PPA, LTFRB, LTO, atbp., ay di lamang naniniwala sa bisa ng fees talks, sila pa ang nagpapatupad nito. Kahit anong bagsik ni Digong ay wala naman siyang nagawa sa mga opisyal niya.

Hindi inililibro ang koleksyon ng NPA sa revolutionary tax (gabundok na “fees,” ga-nunal na “talks”). Noong 2010, P300 ang kailangan ng isang rebelde para makakilos sa isang araw. Sa 4,500-5,000 rebelde, ang bansut na kuwenta ay P600 milyon. Sa taon ni Digong, P500 na ang bawat rebelde at mahigit bilyones na ang laan sa isang taon dahil higit silang dumami kesa kabuti.

Bakit ga-nunal ang “talks?” Hindi madaldal ang NPA. Ang “hike in taxes” ay ipinadarama sa mga atake at panununog ng heavy equipment. Mas malaki ang pangangailangan ng NPA sa Mindanao ngayon dahil ipinahinto ni Gina Lopez ang operasyon ng mga minahan. Iyan ang NPA.

Ang mga kabo at kubrador ng jueteng sa North Caloocan ay di natitigatig sa utos ni Digong at sa banta ni Bato. Bakit nga naman sila matatakot, gayung protektado sila ng mga tanod at purok? Hindi hayagan ang proteksyon ang kanilang natatanggap mula sa mga tanod at purok. Di na lang sila pinapansin ng mga tauhan ng gobyerno dahil patuloy ang fees talks.

Kung nabigo si Digong sa gera kontra droga dahil mismong mga pulis niya ang protektor at moneyger, mas lalo siyang mabibigo sa kampanya kontra jueteng. Walang alam si Digong sa jueteng dahil taga-Mindanao siya; at walang jueteng doon. Kung walang alam si Digong sa kasaysayan, rebisahin na lang niya ang rehimeng Aquino, na pumayag na mamayagpag ang jueteng at mas lalo pang lumago.

May heneral sa isang police district sa Metro Manila na nadestino sa isang pangunahing rehiyon sa Luzon. Nang maupo siya sa trono, agad niyang pinulong ang mga jueteng lords at ang kanyang huling salita ay “take it or leave it.” P3 milyon ang agad niyang hininging taas sa kanyang lingguhan. Multi-bilyonaryo si manong nang magretiro sa PNP at di nabahiran ng droga.

Hindi iniutos ni Jesus kay Pedro na maging perpekto ang pamumunuang simbahan. Pero, ito ang iniutos ni Digong. Ang simbahang Katolika ay self-critical at mahigpit ang mga batas sa sariling pari. Tulad ng mga propeta, hindi nila papatulan ang paninira. Marami na ang sumira sa simbahan, at ang huli ay nagtapos pa sa Ateneo (susme!). Nang ihayag ko sa Atenista ang mga pinagaling ng simbahan na mga may sakit, sinabi niya sa akin na di kaya ng mga pari na ibalik ang nawalang laman at buto ng mga amputee. May sira ulo nga sa Ateneo.

Patuloy na iginigiit ni Digong ang kasalanang laman ng mga obispo’t pari. Noong Enero 3, 2017, inihayag ni Pope Francis ang dokumentadong “zero tolerance” sa sex abuse. Sakop ng pahayag ang taon na simulang mamuno ang Santo Padre, samantalang ang akusasyon ni Digong ay sa mga taon na kahit ang ninuno sa ninuno ng kanyang lolo ay di pa isinisilang.

PANALANGIN: Iligtas tayong lahat ng Panginoon sa lahat ng kasamaan (Bendisyon). Fr. Mar Ladra, Diocese of Malolos.

MULA sa bayan (0916-5401958): “Pickup” ang tawag sa pagbili ng shabu sa San Antonio Valley sa Paranaque. Inalis ang runner kaya mahirap sundan. …4588

Read more...