Biggest campaign donor ni Duterte iimbestigahan ng Kamara

house of rep

Wala umanong pipiliin ang administrasyon at iimbestigahan kahit na ang pinakamalaking campaign contributor ni Pangulong Duterte.
Ayon kay House Speaker Pantaleon Alvarez ang gobyerno ay nasa panig ng taumbayan at parurusahan kahit na ang kakampi kapag gumagawa ng labag sa batas.
“Ito nga ang sinasabi ko ano na yung administrasyon ngayon, ay  wala pong pinipili yan kung kaibigan mo o kalaban mo, supporter mo o hindi, e kung nadehado yung gobyerno ay talagang aalamin natin yan,” ani Alvarez.
Batay sa ulat, iniimbestigahan ng Department of Justice ang kontrata sa pagitan ng kompanya ni Davao del Norte Rep. Antonio Floirendo at Bureau of Corrections kaugnay ng pagpaparenta ng lupa.
Si Floirendo ay nagbigay ng P75 milyon kay Duterte noong kampanya. Siya ang pinakamalaking campaign donor ng Pangulo.
Mayroong 25-taong lease contract ang BuCor at Tagum Agricultural Development Inc. Nirentahan ng Tadeco ang 5,308 hektarya ng lupa ng BuCor sa halagang P5,000 kada hektarya malayo umano sa P25,000 prevailing per hectare rent.
Sinabi ni Alvarez na dapat silipin kung tama ang idineklarang export ng mga saging mula sa lupa ng BuCor para masiguro na tama ang natatanggap na bayad. Sa bawat box ng saging ang BuCor ay bibigyan ng 40.04 hanggang 40.54 profit share.
“Ngayon unang titingnan natin dito kung tama ba yung dineklara na export kung nagtutugma-tugma ito kasi kung hindi napakalaki po ang talo ng gobyerno dito at kung ito ay mahigit 50M siguradong plunder po ito,” ani Alvarez.
Dapat din umanong alamin kung kongresista si Floirendo ng ma-renew ang kontrata dahil sa ilalim ng anti-graft law ay ipinagbabawal ang pakikipagtransaksyon ng gobyerno sa kompanya ng isang nasa gobyerno.
Sinabi ni Alvarez na dapat ding silipin kung bakit 25 years ang ibinigay na lease contract gayong ang regular na kasunduan sa mga ganitong transaksyon ay lima hanggang 10 taon lamang.
“10 years pinakamatagal kasi mabilis ho ang pagbago ng presyo ng saging  kaya po marami po dapat na alamin dyan. Wag po kayo mag-aalala yan ay sisilipin din ng Kongreso,” saad ng lider ng Kamara.

Read more...