UP Lady Maroons nakisalo sa liderato ng UAAP Season 79 volleyball

Mga Laro sa Sabado
(Filoil Flying V Centre)
8 a.m. FEU vs UE (men)
10 a.m. Adamson vs Ateneo (men)
2 p.m. FEU vs UE (women)
4: p.m. Adamson vs Ateneo (women)

AGAD na dinungisan ng University of the Philippines Lady Maroons ang malinis na kartada ng nagtatanggol na kampeong De La Salle University Lady Spikers sa tatlong set  na panalo, 25-22, 25-21, 25-19, sa UAAP Season 79 women’s volleyball tournament sa Filoil Flying V Centre sa San Juan City.

Sinandigan ng Lady Maroons si Nicole Tiamzon na may 16 na puntos mula sa 16 na kills upang itulak ang UP sa una nitong panalo sapul noong Season 70 kontra sa Lady Spikers at manatiling malinis ang kartada sa pagkuha ng ikatlong sunod na panalo sa torneo para makasalo sa liderato ang walang laro na National University Lady Bulldogs.

Agad na itinala ng UP ang 13-6 abante sa unang set na nagawa nitong iangat sa 20-16 bago tinapos ng isang block ang atake ng DLSU sa 25-21. Umalagwa muli ang UP sa sumunod na set sa 15-10 at 18-12 bago nagpilit na lumapit ang DLSU sa 18-22 subalit hindi nito napigilan si Tiamzon na itakas ang 25-21 panalo sa ikalawang set.

Hindi na rin napigilan ang UP na angkinin sa unang pagkakataon ang panalo matapos ang 16 sunod na kabiguan nito sa DLSU sapul pa noong Season 70. Huling nabigo ang UP sa pakikipagharap nito para sa silya sa kampeonato sa DLSU sa Final Four nakaraang taon.

Samantala, tuluyang nakatuntong ang University of Santo Tomas sa win column matapos talunin ang University of the East, 25-9, 25-22, 25-23.

Umangat ang UST sa 1-2 panalo-talong kartada habang nahulog ang UE sa 0-3 karta at sa kabuuang 1-61 panalo-talo sa nakalipas nitong 62 laban sa liga.

Read more...