TUWA at pighati ang nararamdaman ni Arellano University coach Obet Javier matapos paluin ang huling puntos na mistulang hadlang para ibalik ang Lady Chiefs sa dapat nitong okupahin na tugatog ng tagumpay.
Pinatag ng Lady Chiefs ang daan para umahon sa mahirap gawin na magwagi sa matira-matibay na semifinals at ang kailangang tatlong sunod na pagwawagi sa kampeonato upang ipakita nito sa buong komunidad ang pagiging reyna sa volleyball ng 92nd NCAA season.
Sinandigan ng Lady Chiefs ang halos buo nitong miyembro upang pigilan ang paghahangad ng 3-time MVP na si Grethcel Soltones na ibangon ang San Sebastian Lady Stags sa Game 3 tungo sa pagsungkit sa 25-15, 22-25, 25-23 at 25-16 panalo at bawiin ang korona na nakuha nito dalawang taon na ang nakalipas.
Pinamunuan nina Jovelyn Prado, Andrea Marzan at team captain Rialen Sante na may 14 puntos bawat isa habang nag-ambag si Mary Anne Esquerra ng 12 puntos upang kumpletuhin ng Lady Chiefs ang pagsurpresa sa pagwalis sa kampeonato sa muling pagpapatikim ng kabiguan sa Lady Stags dalawang taon na ang nakaraan.
Ibinigay ni Prado ang kailangang puntos sa ikaapat na set upang itulak ang Arellano, na nagwagi rin noong unang dalawang laban sa serye sa mga iskor na 25-18, 25-20, 25-16 at 18-25, 25-16, 25-11, 26-28, 15-13, upang selyuhan ang panalo sa sobrang kasiyahan mismo ng mga manlalaro kabilang na rin si Board representative Peter Cayco.
Ang selebrasyon ang nagbigay sigla sa dramatikong tagumpay ng Arellano na nabigo sa pinakauna nitong laban ngayong taon na limang set na kabiguan kontra San Sebastian bago nito itinala ang 12 sunod na panalo kabilang ang pinakaimportanteng tatlong sunod sa finals.
Agad naman na inialay ng mga manlalaro ang panalo sa kanilang coach na si Obet Javier, na ang asawa na si Amy Marie, ay namayapa ilang araw lamang ang nakalipas dahil sa lung cancer.
“Para ito kay coach (Javier),” sabi ni Prado, na kinilala bilang Finals MVP.
Inialay naman ni Javier sa kanyang asawa ang panalo gayundin sa buong miyembro ng koponan na lumaban kahit pa iniinda nito ang personal na trahedya.
“Pinaghirapan ito at ipinaglaban ng mga players kaya para ito sa kanila at sa buong Arellano University community. Para rin ito sa aking asawa na siyang matinding taga-suporta ng team,” sabi ni Javier, na itinago ang kalungkutan sa buong serye sa pagkawala ng kanyang asawa.
Muli naman nalasap ng San Sebastian ang ikatlong sunod nitong tsansa na masungkit ang titulo matapos na mabigo kontra sa Arellano dalawang taon na ang nakalipas at ang mabitawan ang thrice-to-beat na bentahe sa ikalawang sunod na tapn na ang una kontra sa nakaraang taon na kampeong St. Benilde at ngayon sa Lady Chiefs.
Ang kabiguan ay dagdag na pahirap sa San Sebastian partikular din sa kasalukuyang three-time MVP na si Solotones na tatapusin ang kanyang paglalaro sa liga na walang naiuwing NCAA championship.
Nagtala si Soltones ng kabuuang 25 puntos matapos naman ang itinala nito na 26 sa limang set na kabiguan noong Game Two.