Ronda Pilipinas overall lead kakapitan ng Navy riders

PILI, Camarines Sur – Protektahan ang overall leadership at ang apat na nasa unahan na miyembro nitong Navy-Standard Insurance.

Ito ang matinding misyon ngayon nina Navymen coach Reinhard Gorrantes at team captain Lloyd Lucien Reynante sa pagsikad muli sa ikalawang pinakamahabang yugto ng 14 yugto na 2017 Ronda Pilipinas na magsisimula sa Camarines Sur Waterpark Complex sa Pili at magtatapos sa Daet, Camarines Norte na kabuuang 227 kilometro.

Isa sa target ng Navy sa pagsagupa nito sa LBC Ronda Pilipinas 2017 na isa nitong miyembro ang siyang magwagi sa pinakamalaking karera sa bansa at maisama ang apat na iba pa nito sa walo nitong miyembro sa Top 10 para sa pinag-aagawang tropeo sa overall individual race.

“Our main target ngayon is to protect our Top 4,” sabi ni Gorrantes na nakatutok mismo sa kundisyon ng kanyang mga siklista sa krusyal na Stage Seven na magsisimula sa dinarayo na CamSur Waterpark Complex sa Pili at magtatapos sa Daet.

“Masaya sana kami kung lima ang nasa unahan namin kaya lang sa tindi ng labanan ngayon ay kailangan namin na proteksiyunan ang apat at kung magkakagulo sa susunod na Stage ay proteksiyunan ang nasa overall,” sabi pa ni Gorrantes patungkol sa kinakaharap na matinding hamon.

“Si Jay (Lampawog) sana ang ikalima namin kaso nalaglag eh tapos matindi ang karera ngayon dahil tingnan ninyo si Cris Joven ng Army na malayo noong una tapos nasa ikalima na siya. Magkakaalaman ito sa Individiual Time Trial (ITT) tsaka iyung ikutan sa Tagaytay. Hindi pa ito tapos at nagsisimula pa lamang,” sabi pa ni Gorrantes.

Aminado si Gorrantes na malayo pa ang tatahakin ng karera at kung sino sa miyembro nito na bitbit ang best time matapos ang Stage 12 individual time trial sa Iloilo City sa Marso 2 ang halos sigurado na sa korona.

“Ang kasunudaan namin ay susuportahan ang isa’t-isa kahit na sino pa ang nasa unahan matapos ang ITT sa Iloilo,” sabi ni Reynante patungkol sa krusyal na huling tatlong yugto na binubuo ng isang road race, criterium at ang krusyal na ITT.

Matapos makapagpahinga ay sisikad na muli ang 14-stage na karera ngayong araw na tatahakin ang mapaghamon na ruta na iikutin ang lugar ng Quirino at Quezon bago magtapos sa Daet, Camarines Norte na kung saan nakataya muli ang pinakamabilis na oras sa individual classification.

Bitbit ni Roque ang kabuuang 18 oras, 12 minuto at 48 segundo matapos ang anim na yugto habang ang mga kakampi na sina Ronald Lomotos (18:13:47), Daniel Ven Carino (18:14:43) at defending champion Jan Paul Morales (18:15:51) ay nasa ikalawa, ikatlo at ikaapat na puwesto, ayon sa pagkakasunod.

Nasa ikalima si Cris Joven ng Kinetix Lab-Army (18:15:51s) matapos tumalon mula sa ika-24 puwesto noong Stage One, tungo sa No. 9 sa Stage Three at ngayon ay nasa No. 4. Nasa Top 10 naman sina Go for Gold Elmer Navarro (18:17:57s), RC Cola-NCR Leonel Dimaano (18:18:01s), Go for Gold Ismael Gorospe, Jr. (18:19:02s), Army Lord Anthony del Rosario (18:19:44s) at Go for Gold Jonel Carcueva (18:20:33).

Nakataya sa 2017 Ronda Pilipinas ang P1 milyong premyo mula sa presentor LBC katulong ang MVP Sports Foundation, Petron, Mitsubishi, Versa.ph, Partas, Maynilad, Standard Insurance, CCN, Bike Xtreme, NLEX, PhilCycling at 3Q Sports Event Management.

Read more...