Gina Lopez dumadaan sa butas ng karayom

ANONG uunahin ng gobyerno, pangalagaan ang kalikasan, o igalang ang kontrata sa mga mining companies na magmina sa mga watershed areas?

Di na kailangang maging matalino upang sagutin na protektahan muna natin ang kalikasan bago kumita ng limpak-limpak na salapi.

Bago ang lahat, dapat ay hindi pinayagan ang pagmina sa watershed.

Ang watershed ay isang lugar sa kabundukan kung saan dumadaloy sa ilog ang tubig sa mga batis.

Ipinasara ni Environment and Natural Resources Secretary Gina Lopez ang 23 minahan, at saka kinansela ang 75 pa na hindi pa nabubuksan dahil ang mga ito ay nasa watershed areas.

“Water is life,” ani Lopez.

Pero iba siyempre ang pananaw ng Chamber of Mines of the Philippines (COMP) dahil gusto nitong kumita ng malaking pera ang mga miyembro nito.

Sabi ng COMP: “It is no longer a question whether a handful of companies really violated environment laws but whether we still uphold the sanctity of contracts.”

Ang mga kontrata na pinirmahan ng gobyerno sa mga mining companies ay noong panahon na ang mga secretary ng Department of Environment and Natural Resources ay walang kaalam-alam sa masamang idudulot ng mina sa kalikasan kung ang mga ito ay nasa watershed.

Dahil sa pagmimina sa watershed ay nalalason ang tubig sa ilog!

Malinaw na walang pakialam ang mining companies kung ang mga tao na nakatira sa watershed ay malason ng kanilang mine tailings.

***

Dumadaan si Gina Lopez sa butas ng karayom sa Commission on Appointments dahil marami sa mga miyembro nitong mambabatas ay malalaking negosyante o kaibigan ng mga big business.

“Wala akong magagawa kung hindi nila ako i-confirm. Ginagawa ko lang ang tama. Hindi ko puwedeng sabihin sige, puwede na kayong magmina sa watershed dahil gusto kong ma-confirm,” ani Lopez nang makapanayam ko siya sa programang “Isumbong mo kay Tulfo” sa DWIZ.

Si Lopez, na mula angkan ng mayayamang mga Lopez na nagmamay-ari ng ABS-CBN network at iba pang mga malalaking kumpanya, ay malinaw na pinaglalaban ang karapatan ng mga mahihirap.

“Kung makisama tayo sa malalaking mining companies, sino na ang mangangalaga sa kapakanan ng mga mangingisda at magsasaka? Galing ako sa pamilya ng mga negosyante at wala akong problema sa mga taong gustong kumita ng malaki. Pero, please naman, dapat ay pangalagaan natin ang karapatan ng mga mahihirap,” ani Lopez.

Kung sana lahat ng ating mga matataas na opisyal ay may puso na gaya ni Gina Lopez, malayo ang mararating ng bansa.

***

Baka masorpresa ang publiko kapag nagbanggit ng mga pangalan si Wally Sombero sa hearing ng Senate blue ribbon committee ngayong araw.

Baka mapilitan si Sombero na ilabas ang mga pangalan na hindi pa nailalabas sa imbestigasyon tungkol sa P50-million bribery scandal na yumanig sa administrasyon ni Pangulong Digong.

Si Sombero ay principal figure sa bribery scandal na kinasangkutan ng dalawang associate immigration commissioners na mga “brods” sa fraternity ni Justice Secretary Vit Aguirre at Pangulong Digong.

Ang transcripts ng sinumpaang salaysay ni Wally ay naibigay sa blue ribbon committee na pinangungunahan ni Sen. Dick Gordon.

Ilang senador ang maaaring magtanong kay Sombero kung bakit nabanggit niya ang ilang pangalan sa kanyang salaysay sa National Bureau of Investigation (NBI) noong siya’y nasa ilalim ng protective custody nito.

Pero hindi mapipilit si Wally na sagutin ang mga katanungan na magpapahamak sa kanya at ibang tao, sabi ng abogadong si Ted Contacto.

Si Contacto at ang kanyang anak na si Katherine, isa ring abogada, ay present nang kunin ng NBI ang salaysay ni Wally.

Ang mag-amang Contacto ay mga abogado ni Sombero at tutulungan siya sa hearing ngayon.

Pero kahit na mailap si Wally sa pagtatanong ng blue ribbon ay maaaring madulas siya dahil sa ekspertong pagtatanong nina Senator Gordon.

Read more...