Navy hahamunin sa Ronda Team Time Trials

ronda

Photo from Inquirer.net

PILI, Camarines Sur — Pilit na ipapagpag ng nangungunang koponan na Philippine Navy-Standard Insurance ang matinding hamon ng 11 iba pang kasali sa pagsikad ngayong umaga ng 2017 Ronda Pilipinas Stage Six na Team Time Trials na tatahak sa kabuuang 46.6 kilometrong akyatin mula Camarines Sur Watersports Complex tungo sa San Jose.
Dedepensahan ng Navy ang kabuuang 72 oras, 48 minuto at 47 segundo matapos ang limang lap kung saan nakalalamang ito ng 20 minuto at 55 segundo sa pumapangalawa na Go for Gold habang 32 minuto at 54 segundo ang kalamangan nito sa nasa ikatlong puwesto na Kinetix Lab/Philippine Army.
Gayunman, inaasahang gagawa ng matinding hakbang ang Navy sa ikaanim na yugto kung saan makakadagdag dito ang itatala nitong oras sa apat nitong miyembro na kasalukuyang hawak ang unang apat na puwesto sa overall classification na sina Rudy Roque, Ronald Lomotos, Daniel Ven Carino at Jan Paul Morales.
Nakatuon din ang matinding kalaban sa overall team classification na Go for Gold sa titulo dahil tatlong miyembro ang nakikipagbakbakan para sa pinakaaasam na red jersey na sina Elmer Navarro na nasa ikaanim na puwesto, Ismael Grospe Jr. na nasa ikawalong puwesto at si Jonel Carcueva na nasa ikasampung puwesto.
Dalawa naman ang miyembro ng Kinetix Lab/Philippine Army na nasa Top 10 na si Team captain Cris Joven na nasa ikalima at si Lord Anthony Del Rosario na nasa ikasiyam. Sisikad sa karera ang Army na may siyam na lamang na miyembro matapos madiskuwalipika ang miyembro nito na si Alfie Catalan.
Hinda na makakasama ng Army si Catalan na nadiskuwalipika matapos makita mismo ng President Commissaire na si Mickie Robb mula Ireland na tinutulungan na hatakin ng kanyang bike mechanic habang sakay ng support vehicle sa feeding route. Agad din na pinauwi ang bike mechanic.

Read more...