PILI, Camarines Sur — Sinungkit ni Jaybop Pagnanawon ng Bike Xtreme ang ikalawang lap victory matapos na angkinin ang pinakamahabang yugto na 251 kilometro na 2017 Ronda Pilipinas Stage Five Linggo na nagsimula sa Lucena City at nagtapos dito sa Camarines Sur Waterpark Complex.
Solong umatake ang 27-anyos mula Talisay, Cebu na si Pagnanawon, isa sa dalawang kasaling anak ng dating Tour champion na si Rolando Pagnanawon, mula sa huling 40 kilometro bago naungusan sa huling 500 metro ang miyembro ng Navy-Standard Insurance na si Daniel Ven Carino sa parehas na itinala na
6 oras, 58 minuto at 13 segundo.
“Sinubukan ko po umatake kasi bantayan sila ng bantayan. Kaya noong nakita ko na walang sumunod, pinilit ko po na makuha kahit na malayo pa ang finish line. Naligaw pa po ako buti na lamang po at binigyan ako ng lakas ng ating Panginoon sa huling rematehan,” sabi ni Pagnanawon.
Una nang nagwagi si Pagnanawon matapos maungusan sina Irish Valenzuela at Baler Ravina sa 172.7-kilometrong Stage One ng Visayas leg ng Ronda Pilipinas 2015 na ginanap sa Dumaguete at natapos sa Sipalay City, Negros Occidental.
Ikatlo sa yugto si Leonel Dimaano ng RC Cola-NCR sa 6:58:15 habang ikaapat si Lord Anthony Del Rosario ng Kinetix Lab-Army (6:59:11) at ikalima si Elmer Navarro ng Go for Gold (6:59:13).
Ikaanim hanggang ikasampung puwesto sina Ronald Lomotos ng Navy (6:59:14), Cris Joven ng Kinetix Lab-Army (6:59:20), Ryan Serapio ng Go for Gold (6:59:20), Jemico Brioso ng Team Ilocos Sur (6:59:28) at Lloyd Lucien Reynante ng Navy (6:59:30).
Pinilit naman ni Pagnanawon na magtala ng stage victory matapos nitong isuko na ang labanan para sa overall title matapos na mapag-iwanan sa Stage Four sa Angeles tungo sa Subic kung saan naputulan ito ng kadena at nasiraan pa ang kanyang bisikleta.
“Tutok na lang po ako sa paisa-isang panalo sa Stage kasi medyo malayo na po ang kalaban sa overall. Tutulungan ko na lang po ang team namin tsaka iyung iba na makapanalo kahit na isang Stage,” sabi pa ni Pagnanawon.
Nagkaroon naman ng malaking pagbabago sa overall classification kung saan nanatili si Rudy Roque ng Navy sa unahan na may natipong 18 oras, 12 minuto at 48 segundo kung saan natapyas ang abante nito sa 59 segundo na lamang sa kakampi na si Ronald Lomotos na may 18:13:47.
Umangat mula sa dating ikawalong puwesto tungo sa ikatlo si Carino ng Navy (18:14:43) habang nalaglag ang dating nasa ikalawa na nagtatanggol na kampeon na si Jan Paul Morales sa ikaapat (18:15:51).
Mula sa ikasiyam ay umangat si Cris Joven ng Kinetex Lab-Army sa ikalimang puwesto (18:16:08) habang umakyat ang dating wala sa Top 10 na si Navarro ng Go for Gold sa ikaanim (18:17:57). Tumuntong din sa Top 10 si Leonel Dimaano ng RC Cola-NCR (18:19:02) sa ikapito at si Ismael Gorospe Jr ng G4G na mula sa ikasampu ay umangat sa ikawalong puwesto (18:19:44). Sumampa rin bilang ikasiyam si Lord Anthony Del Rosario ng Army (18:19:44s) at ikasampu si Jonel Carcueva ng G4G (18:20:33).
Napunta kay Morales ang King of the Mountain at Overall sprint points. Bitbit nito ang 42 puntos kasunod si Roque na may 38 at si Joven na may 29. Ikaapat si Lomotos na may 24 at ikalima si Pagnanawon na may 22 puntos.
Mayroon din si Morales na 19 puntos sa KOM kasunod si Lomotos na may 9 puntos, Carcueva na may 8 puntos at sina Ronnilan Quita at Ronnel Hualda na may tig-5 puntos.
Magpapahinga ngayon ang Ronda Pilipinas bago isagawa ang criterium race dito sa loob ng Camarines Sur Waterpark Complex para sa Stage Six bukas bago magtungo sa Pili hanggang San Jose na isang 46.6 kilometro na Team Time Trial.