Joven lalapit sa Ronda Pilipinas leaders

LUCENA City — Tatangkain ni Stage Four winner Cris Joven ng Kinetix Lab-Army na lumapit sa nangungunang sina Navy-Standard Insurance riders Rudy Roque at nagtatanggol na kampeong Jan Paul Morales sa pagsikad ng pinakamahabang yugto ng LBC Ronda Pilipinas 2017 ngayong umaga sa Stage Five na magsisimula rito at magtatapos sa Camsur Watersports Complex sa Pili, Camarines Sur.

Hangad mismo ng 30-anyos na Private First Class at ipinagmamalaki ng Iriga, Camarines Sur na si Joven na ipakita ang husay ng mga Bicolano sa pinakamapanghamon na yugto, bagaman umaasa ito na hindi kakapusin sa labanan dahilan na rin sa kaunting panahon ng paghahanda.

“Iniisip ko na lang lagi na maging maganda ang sipa ko. Parang sa sundalo, kailangan na malakas ang loob, hindi umuurong sa anumang laban at matibay ang paniniwala sa Panginoon,” sabi ni Joven.

Ipinakita ng dating miyembro ng pambansang koponan na si Joven ang kanyang ekspiriyensa matapos pangunahan ang Stage Four Subic to Subic na karera na nagtulak dito mula sa No. 14 tungo sa ikasiyam na puwesto sa overall individual standing.

Pilit nitong susundan ngayon sa pagtahak sa 251-kilometrong yugto sa kabuuang 14-stage event na kinukunsidera na pinakamalaking karera ng bisikleta sa bansa na lumapit pa lalo sa pinakamimithing pinakauna nitong korona.

“I hope this is a start of something big for me, hopefully I’ll have some rest and try to go for it again,” sabi ni Joven, na dumating dito Biyernes kasama ang buong delegasyon ng Ronda Pilipinas at agad sinubukang tahakin ang parte ng matinding ruta kahit na umuulan.

Pilit din na pasasayahin ni Joven ang kanyang mga kababayan mula sa Iriga, Camarines Sur.

“Sayang at hindi dadaan sa Iriga kung saan ako isinilang at lumaki. Sana suportahan ako ng aking mga kaibigan at pamilya kahit man lamang sa daanan at ipagmalaki nila ako,” sabi ni Joven.

Matapos ang apat na yugto ay bitbit ni Joven ang kabuuang 11 oras, 13 minuto at 45 segundo na apat at kalahating minuto sa likuran ni Roque at mahigit tatlong minuto kay Morales na tinanghal na 2016 Ronda king.
Inaasahan naman ni Roque at Morales na may oras na 11:12:15 at 11:13:45, ayon sa pagkakasunod ang paghahabol ni Joven.

Ang 31-anyos na si Morales ang nakagawa ng pinakamalaking hakbang matapos ang apat na yugto matapos itong mapag-iwanan sa Stage One nang tumalon ito mula sa ika-17 puwesto tungo sa No. 2 matapos ang magkasunod na panalo sa Stage Two sa Vigan, Ilocos Sur at Stage Three na nagsimula sa Angeles City at nagtapos sa Subic.

“Malaki pa rin ang tsansa. Kailangan lang gamitin ang talino,” sabi ni Morales, na mula sa Calumpang, Marikina.

Asam naman ng 25-anyos na si Roque na manatili sa red jersey matapos ang Stage Five.

“Mahirap pa magsabi dahil sabi ko nga noon na matapos ang Stage Three, Four at Five at ako pa rin sa overall, malaki ang tsansa ko,” sabi Roque, na mula sa Tipo, Bataan.

Nasa ikatlo pa rin si Navyman Ronald Lomotos sa 11:14:33 oras habang ang Team Ilocos Sur na si Ryan Serapio ang nasa No. 4 (11:16:07) matapos lumapag sa ikatlong puwesto sa Stage Four.

Nasa Top 10 sina Jay Lampawog ng Navy (11:16:12), Reynaldo Navarro ng Kinetix Lab-Army (11:16:21), Joshua Mari Bonifacio ng Go for Gold (11:16:28), Daniel Ven Carino ng Navy (11:16:35) at Ismael Grospe, Jr. ng Go for Gold (11:17:43).

Nakataya sa Ronda Pilipinas ang kabuuang P1 milyon sa kampeon mula sa presentor na LBC katulong ang MVP Sports Foundation, Petron, Mitsubishi, Versa.ph, Partas, Maynilad, Standard Insurance, CCN, Bike Xtreme, NLEX, PhilCycling at 3Q Sports Event Management.

Mula sa Lucena, Quezon ay magtutungo ang LBC Ronda Pilipinas sa Pili, Camarines Norte (Pebrero 14 at 16), Daet (Pebrero 17), Paseo sa Sta. Rosa, Laguna (Pebrero 19), Tagaytay at Batangas (Pebrero 20), Calamba at Antipolo (Pebrero 21) at dalawang stages sa pagtatapos sa Iloilo City (Marso 2, 3 at 4).

Read more...