HINDI bababa sa anim katao ang nasawi at mahigit 100 pa ang nasugatan nang yanigin ng 6.7-magnitude na lindol ang Surigao City at iba pang bahagi ng Surigao del Norte Biyernes ng gabi, ayon sa mga otoridad.
Sinira rin ng lindol, na ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology ay nagtala ng Intensity 6 sa Surigao City, ang paliparan at maraming gusali at imprastruktura sa lungsod.
Dahil sa malawakang pinsala, isinailalim ng Sangguniang Panglungsod ang Surigao City sa state of calamity.
Maraming pamilya sa Surigao City ang napalikas patungo sa matataas na lugar gaya ng Provincial Capitol nang maganap ang lindol alas-10:03, dahil sa takot na magkaroon ng tsunami, ayon sa ulat ng Office of Civil Defense-Caraga.
Nag-panick din ang ilang pasyente na nakaratay sa Caraga Regional Hospital dahil sa lakas ng pagyanig.
Nasawi sina Roberto Eludo, 40; JM Ariar, 4; Wilson Lito, 35; Lorenzo Deguno, 85; pawang mga taga-Surigao City, nang tamaan ng mga debris o bumagsak na bagay, ayon sa ulat na ipinaskil sa Facebook page ng OCD Caraga.
Binawian ng buhay si Roda Justina Taganahan, 83, ng Surigao City, matapos atakihin sa puso, habang nasawi si Wenefreda Aragon Bernal, 66, nang tamaan ng gumuhong pader.
Nakapagtala ng 108 sugatan sa Caraga Regional Hospital, Medical Hospital, at Miranda Family Hospital.
Pito pa katao ang nasugatan din sa Sison, Surigao del Norte, at lima sa mga ito’y dinala sa ospital sa Placer, ayon sa OCD.