Bakbakan sa Ronda Pilipinas titindi sa Stage 5

LUCENA City – Apat na yugto pa lamang  ang natapos subalit mainit na mainit na agad ang labanan sa korona kung saan ipinakita ni Cris Joven ng Kinetix Lab-Army ang pagnanais agawin ang liderato kay Navy-Standard Insurance Rudy Roque at Jan Paul Morales sa pagsikad muli ng LBC Ronda Pilipinas 2017 bukas sa Lucena-Daet Stage Five.

Ito ay matapos putulin ng 30-anyos na si Joven ang dominasyon ng Navy sa pagwawagi sa Subic-to-Subic Stage Four Huwebes upang tumalon mula sa ika-14 na puwesto patungo sa ikasiyam na puwesto sa overall individual race na mahigit limang minuto na napag-iiwanan nina Roque at Morales.

Nananatili naman sa ikaapat na sunod na yugto si Roque sa kanyang pagkapit sa simbolikong pulang LBC jersey sa natipon na kabuuang 11 oras, 12 minuto at 15 segundo habang kasunod ang nagtatanggol na kampeong si Morales na umahon mula sa ika-23 tungo sa No. 2 sa oras na 11:13:45.

Hindi naman nalalayo si Joven, na ang pinakamagandang pagtatapos sa karera ay sa ikaapat na puwesto may limang taon ang nakalipas, na may oras na 11:16:48.

Kaya tutok si Joven na masundan ang pagwawagi sa pagsikad ng krusyal na Stage Five bukas, Pebrero 12, na pinakamahabang yugto na 251 kilometrong karera na sisimulan sa Lucena City at matatapos sa dinarayo na Camsur Water Complex sa Pili, Camarines Sur.

Dito nakatutok si Joven na makapagsagawa ng matinding hakbang para mas mapababa ang agwat.
“Maaga pa para magsalita kung sino ang mananalo pero kailangan ko ng mas matitindi pang pagtatapos tulad nitong  Stage Five para makahabol sa unahan,” sabi ni Joven, na nais itala ang panalo sa kanyang kinalakihang lugar sa Iriga, Camarines Sur.

Gayunman, iniisip ni Joven ang kanyang kundisyon kung tatagal hanggang sa ikahuling yugto ng karera.

Inihayag ni Joven na hindi ito nakapag-ensayo noong nakaraang taon matapos sumama sa Philippine Army at nagsimula lamang ng pagsasanay noong Enero 11 ngayong taon at nagkasya lamang sa ilang linggo upang maghanda para sa 14-stage event na kinukunsidera na pinakamalaking karera sa bansa.

“Sana makatapos ako sa buong 14 stages dahil maikling panahon lang ang naging paghahanda ko para sa Ronda. Pero hindi ako susuko at ibibigay ko ang lahat para masungkit ang korona,” sabi nito.

Magpapahinga ng dalawang araw ang karera bago magbalik aksyon bukas sa kinatatakutang Lucena-Pili Stage Five, ang pinakamahabang karera ngayong edisyon sa 251 kilometro na pahihirapan ng matinding akyatin sa mapanganib na Tatlong Eme sa Atimonan, Quezon.

Nakataya sa karera ang kabuuang P1 milyon para sa kampeon mula sa presentor na LBC kasama ang MVP Sports Foundation, Petron, Mitsubishi, Versa.ph, Partas, Maynilad, Standard Insurance, CCN, Bike Xtreme, NLEX, PhilCycling at  3Q Sports Event Management.

Read more...