BABALIK si Wally Sombero, ang principal figure sa P50- million bribery scandal na kinasangkutan ng dalawang immigration commissioners, sa Martes, Feb. 14.
Sabi ni Sombero, “Sigurado nang babalik ako ng Feb. 16 upang dumalo sa Blue Ribbon Committee hearing.”
Ang pinaghahanap ng Blue Ribbon Committee na pinamumunuan ni Sen. Dick Gordon ay tumawag sa inyong lingkod kahapon sa British Columbia, Canada.
Sa kanyang text message bago siya tumawag, sinabi ni Wally, “For doing the right thing…supporting the ‘zero tolerance of corruption’ of (President Digong), I was ordered arrested by Sen. Gordon.”
Bago ko siya inihabilin sa National Bureau of Investigation (NBI) noong Dec. 9, 2016, matagal kong kinausap si Wally sa opisina ng “Isumbong mo kay Tulfo.”
Pinakiusapan ako ni Wally, na matagal ko nang kaibigan, na ipasailalim siya ng protective custody ng NBI matapos iniutos ng chief ng Philippine National Police (PNP), Ronald “Bato” dela Rosa, na hulihin si Wally dahil sa panunuhol ng government officials.
Sinabi ni Wally sa akin na ibig niyang makatulong sa gobiyerno sa pamamagitan ng paglalantad sa pangingikil ng dalawang opisyal kay illegal online gaming operator Jack Lam na ipinadaan sa kanya.
Naturalmente, naging interesado ako sa kuwento ni Wally dahil, bilang journalist, ito’y malaking scoop.
Pero sinabi ko kay Wally bilang kaibigan na magkakaroon ng malaking repercussions dahil sa kanya pagbubunyag.
Nang alam ko nang secured si Wally sa NBI headquarters, sinabi ko sa kanya sa telepono na kahit na recorded ng security cameras sa City of Dreams, mas kapani-paniwala ang kanyang kuwento kung meron siyang witness.
Sinabi niya na si Charles Calima, hepe noon ng intelligence division ng Bureau of Immigration, ang nakakaalam tungkol sa transaksiyon niya sa dalawang opisyal dahil hiniling niya na i-monitor ang kanilang pag-uusap.
Ang Dec. 9, 2016 ay Biyernes at sinisikap kong habulin ang deadline ng column ko na lalabas ng Dec. 10, Sabado.
(Ang aking column sa INQUIRER at Bandera ay lumalabas ng Martes, Huwebes at Sabado at sinusulat ko the day before)
Tinawagan ko si Calima not only to congratulate him for witnessing the first and biggest scandal sa administrasyon ni Pangulong Digong but also to verify Wally’s story.
Tinawagan ko uli si Calima upang tanungin kung bakit hindi niya inaresto ang dalawang opisyal matapos nilang matanggap ang pera kay Sombero.
(Sinabi sa akin ni Calima na pagkatapos ng bigayan ay humihirit pa ng karagdagang P50 million ang dalawa kaya’t doon na siya tinawagan ni Wally upang i-monitor ang pangalawa sanang transaksiyon. Pero nakatunog ang dalawa at hindi na sumipot sa lugar na pinag-usapan)
Ang hindi ko alam ay yung pangalawang pag-uusap namin ni Calima ay nasa kanyang speaker phone, at pinakikinggan kami ni Immigration Commissioner Jaime Morente at yung dalawang mokong na sina Associate Commissioners Al Argosino at Mike Robles.
Pinakiusapan ko kay Wally na huwag sabihin sa ibang reporters ang kanyang kuwento dahil gusto ko na ako ang maka-scoop sa lalabas na column sa Dec. 10, 2016.
Nang sabihin ko kay Justice Secretary Vit Aguirre na si Wally ay nasa NBI, sinabi niya na dadalawin niya si Wally.
I made Aguirre promise me not to tell the media about Wally’s revelation upang ako ang unang makapagparating ng istorya sa sambayanang Pilipino.
The rest is history.
Habang kinukuwento ni Wally sa akin ang bribery scandal sa aking opisina, hinulaan ko na isa sa mga repercussions ng istorya ay magkakaroon ng Senate hearing at siya’y ipatatawag upang tumestigo sa hearing.
Sinabi ko na maraming personalidad na ipapatawag.
Ang hindi ko nahulaan ay kasama pala ako na ipapatawag.