SUBIC BAY — Inungusan ni Cris Joven ng Kinetix Lab-Army sina defending champion Jan Paul Morales ng Navy-Standard Insurance at Ryan Serapio ng Ilocos Sur sa matinding ragasaan sa finish line upang angkinin ang Stage Four ng LBC Ronda Pilipinas 2017 na natapos dito sa Harbour Square.
Magkakaparehas na itinala ng 30-anyos na si Joven, Morales at Serapio pati na ang malaking grupong kanilang kinabibilangan ang tiyempong dalawang oras, 40 minuto at anim na segundo bagaman nakuha ni Joven ang walong segundong bonus sa pagsungkit sa kanyang pinakaunang lap victory sa karerang ito.
“Nakasilip ng pagkakataon sa huling kurbada noong nadama ko na mayroon pa akong natitirang lakas kaya binira ko na hanggang finish line,” sabi ni Joven.
Kumpiyansa si Joven na magagawa nitong maabot ang hangarin lalo na’t maganda ang kanyang ipinapakita kahit na nagsimula lamang mag-ensayo nitong Enero 11 matapos itong magkonsentra sa kanyang trabaho buong taon bilang enlisted personnel sa Philippine Army.
“Nasurpresa rin ako dahil hindi ko inaasahan na ganito pa ako sa karera dahil hindi ako nakasakay ng bisikleta sa loob ng isang taon at nagbalik lamang nitong nakaraang buwan,” sabi ni Joven, na ang pinakamagandang pagtatapos sa karera ay 4th overall limang taon na ang nakalipas.
Nakataya ang premyong P1 milyon sa tatanghaling kampeon mula sa presentor na LBC kasama ang MVP Sports Foundation, Petron, Mitsubishi, Versa.ph, Victory Liner, Maynilad, Standard Insurance, CCN, Bike Xtreme, NLEX, PhilCycling at 3Q Sports Event Management.
Matapos ang apat na yugto ay tutungo ang buong delegasyon sa Lucena, Quezon kung saan sisimulan ang pinakamahabang yugto ng karera patungo sa Pili, Camarines Norte sa Pebrero 12. Susundan ito ng dalawang yugto sa Pili sa Pebrero 14 at 16.
Tutungo ito sa Daet sa Pebrero 17 bago sa Paseo sa Sta. Rosa, Laguna (Peb. 19), Tagaytay at Batangas (Peb. 20), Calamba at Antipolo (Peb. 21) bago tapusin ang karera sa Iloilo City sa Marso 2, 3 at 4.
Napanatili naman ni Rudy Roque ang pagkapit sa overall bagaman unti-unti na itong tinatapyas ng kakampi na si 31-anyos na si Morales na nasa No. 2 sa kanyang oras na 11:12:15. Hawak ni Morales ang 11:13:45 oras habang nasa ikatlo si Ronald Lomotos na may 11:14:33 tiyempo.
Matapos mabantayan sa unang yugto, dinomina ni Morales ang Stage Two criterium sa Vigan, Ilocos Sur at ang Angeles-Subic Stage Three bago nagkasya lamang sa ikalawang puwesto sa Stage Four upang lumapit ng husto mula sa ika-23 puwesto noong unang araw tungo sa second overall matapos ang apat na yugto.
“Alam ko na makukuha ko ang huling dalawang stages dahil dito ako nag-eensayo sa nakalipas na ilang buwan bago magsimula ang Ronda,” sabi ni Morales, na mula sa Calumpang, Marikina.
Aminado naman si Roque na hinhintay lamang niya ang kanyang pagkakataon.
“Bantay sarado ako simula makuha ko ang overall eh. Masaya na ako na nasa overall pa rin kahit lagi may bantay,” sabi ni Roque, na anak ng dating Tour veteran na si Manolito Roque na mula sa Tibo, Bataan.
Dumausdos naman si Ronald Lomotos mula No. 2 tungo sa No. 3 sa oras na 11:14:33 habang umakyat si Serapio mula No. 7 sa Stage Three tungo sa No. 4 sa 11:16:07 dahil na rin sa pagtapos na ikatlo sa yugto.
Umangat din si Joven mula sa No. 14 tungo sa No. 9 sa oras na 11:16:48.
Nasa Top 10 sina Jay Lampawog ng Navy (11:16:12), Reynaldo Navarro ng Kinetix Lab-Army (11:16:21), Joshua Mari Bonifacio ng Go for Gold (11:16:28), Daniel Ven Carino ng Navy (11:16:35) at Ismael Grospe, Jr. ng Go for Gold (11:17:43).
Magpapahinga ang karera sa loob ng dalawang araw bago bumalik kalsada sa Linggo sa pinakamahabang yugto na Lucena-Pili Stage Five na tatahakin ang kabuuang 251 kilometro na dadaan sa kinatatakutan na akyatin sa Tatlong Eme sa Atimonan, Quezon.
Nakataya sa Ronda ang premyong P1 milyon para sa kampeon mula sa presentor LBC kasama ang MVP Sports Foundation, Petron, Mitsubishi, Versa.ph, Partas, Maynilad, Standard Insurance, CCN, Bike Xtreme, NLEX, PhilCycling at 3Q Sports Event Management.