Mga Laro sa Sabado
8 a.m. UE vs UP (men)
10 a.m. DLSU vs UST (men)
2 p.m. UE vs UP (women)
4 p.m. DLSU vs UST (women)
SINANDIGAN ng National University Lady Bulldogs sina Jaja Santiago, Risa Sato at Jorelle Singh sa nakakakaba na ikaapat na set upang itakas ang maigting na 3-1 panalo, 25-17, 25-13, 19-25, 29-27, kontra Ateneo Lady Eagles upang solohin ang liderato sa UAAP Season 79 women’s volleyball sa Filoil Flying V Centre sa San Juan City.
Nagtulong-tulong ang 6-foot-5 na si Santiago, power hitter na si Singh at ang Fil-Japanese middle hitter na si Sato upang ibangon ang Lady Bulldogs sa 4-12 na paghahabol sa pagsisimula ng ikaapat na set bago kinumpleto ang maigting na panalo na dumaan sa limang match point para sa NU bago pinalasap ng kabiguan ang Ateneo.
Unang ibinigay ni Santiago ang 28-27 abante sa Lady Bulldogs bago ito kinumpleto ng matikas na block ni setter Jasmine Nabor sa pumalo na si Michelle Morente ng Lady Eagles.
Ang panalo ay pumutol din sa mahabang kabiguan ng Lady Bulldogs sa anim na diretsong paghaharap sa torneo kung saan huling nagwagi ang NU kontra sa Ateneo noong ikalawang round ng eliminasyon ng Season 76.
Nahulog naman ang Ateneo, na sinimulan ang winning run kontra NU sa huling stepladder ng Season 76 kung saan bitbit ng Lady Bulldogs ang twice-to-beat na bentahe, sa 1-1 panalo-talong karta kasalo ang Far Eastern University Lady Tamaraws.
Gumanti naman ang Lady Tamaraws sa Adamson University, 25-12, 25-19, 25-16, para bumawi sa nalasap nitong unang kabiguan kontra sa defending champion De La Salle University.
“Siyempre, thank you kay Lord kasi nakakuha na kami ng panalo. Siyempre happy,” sabi lamang ni FEU coach Shaq Delos Santos.
Nagwagi rin ang FEU Tamaraws matapos mabitawan ang dalawang set na abante sa matira-matibay na ikalimang set kontra sa Adamson Falcons, 25-22, 25-19, 28-30, 25-27, 15-10, sa men’s division.
Nakisalo rin ang nagtatanggol na kampeong Ateneo sa ibabaw ng team standings matapos itala ang 27-25, 25-23, 23-25 at 25-16 na panalo kontra Bulldogs.