Morales namayagpag sa Stage 3 ng Ronda Pilipinas 2017

SUBIC, Olongapo City – Muling naglahad ng matinding mensahe ang dating miyembro ng pambansang koponan na si Jan Paul Morales ng Philippine Navy-Standard Insurance matapos nitong itala ang ikalawang sunod na panalo sa solong pagtawid sa 137-kilometer Stage Three ng 2017 Ronda Pilipinas na nagsimula sa Angeles City at nagtapos dito Miyerkules.

“Pinilit kong makuha iyung unang King of the Mountain points, tapos noong makita kong walang sumunod sa akin ay itinuloy ko na,” sabi ng 31-anyos mula Calumpang, Marikina na si Morales na iniwan ng 2 minuto at 46 segundo ang mga kalaban sa pagtawid nito sa finish line sa 3:25:46 oras upang guluhin ang labanan para sa overall leadership.

Sumunod kay Morales sina Jemico Brioso ng Team Ilocos Sur, Leonel Dimaano ng RC Cola-NCR at Cris Joven ng Kinetix Lab-Army na may pare-parehas na 3:28:32 oras habang ikalima at ikaanim sina Jonel Carcueva ng Go for Gold at Alvin Benosa ng Kinetix Lab-Army na may parehas na 3:29:01 oras.

Hindi naman nakapasok sa Top 10 ang overall leader at red jersey wearer na si Rudy Roque kung saan kasabay nitong dumating sa ikapito hanggang ika-10 sina Roel Quitoy ng Team Mindanao, Ronnel Hualda ng Go for Gold, Julius Mark Bonzo ng Bike Extreme at Elmer Navarro ng Go for Gold sa 3:29.07 tiyempo.

Dahil sa panalo at idagdag pa ang puntos sa KOM ay nagawang tumalon ni Morales (8:33:44) mula sa ika-16 na puwesto sa overall classification paakyat sa ikatlong puwesto sa likuran ng nananatili sa unahan na kakampi na si Roque na may kabuuang 8:32:10 habang ang Stage One winner na si Ronald Lomotos ay may 8:32:30 oras.

Nanatili sa ikaapat na puwesto sa overall si Ismael Grospe Jr. (8:34:38) habang inokupa ng kakampi nito sa G4G na dating ikawalo na si Jonel Carcueva ang ikalimang silya (8:36:01).

Ikaanim naman hanggang ikasampu sina Jay Lampawog ng Navy (8:36:03), Ryan Serapio ng Team Ilocos Sur (8:36:04), Roel Quitoy ng Team Mindanao (8:36:08), Alvin Benosa (8:36:09) at Reynaldo Navarro (8:36:15) na kapwa mula sa RC Cola-NCR.  Tanging nalaglag sa Top 10 si Jaybop Pagnanawon ng Bike Xtreme.

Isusuot ni Morales, na matatandaang nagtala ng kasaysayan sa ikaanim na taong edisyon ng Ronda matapos na magwagi ng tatlong sunod, ang polka dot jersey na simbolo sa pagiging King of the Mountain pati na rin ang kulay asul bilang stage winner. Natipon nito ang walong puntos habang may dalawang puntos sina Lomotos at Hualda.

Mananatili naman kay Roque ang simbolikong red jersey bilang overall leader matapos dumating na ika-23 puwesto kasabay ang buong peloton na inokupa ang ika-7 hanggang ika-40 puwesto. Si Lomotos ay lumapag sa ika-17 puwesto.

Nagtamo naman muli ng aksidente ang Navy team captain na si Lloyd Lucien Reynante matapos na sumemplang sa pagtahak sa lugar ng Morong gayundin ang isang race marshall na sumadsad sa kanyang motorsiklo.

Tatahakin naman ngayon ng natirang 89 mula sa 96 siklista ang 111-kilometrong Subic-Subic Stage Four na iikot sa lugar kung saan nakatayo ang Bataan Nuclear Power Plant at susundan ng Lucena-Pili Stage Five na pinakamahabang yugto sa karera ngayong taon sa kabuuang 251 kilometro na dadaan sa kinatatakutang Tatlong Eme sa Atimonan, Quezon.

Read more...