Mr.Right ni Maja: Dapat malinis po sa katawan, maka-Diyos at responsable!

wildflower
WILD na wild ang peg ni Maja Salvador sa presscon ng bago niyang teleserye sa ABS-CBN, ang Wildflower na magsisimula na sa darating na Lunes.

Game na game na sinagot ng Kapamilya actress ang mga kontrobersiyal na tanong mula sa miyembro ng entertainment press. Pinangatawanan na ng dalaga ang kanyang karakter sa serye na talagang super challenging para sa kanya.

Puring-puri nga siya ng kanyang mga kasamahan sa programa, lalo na nina Aiko Melendez at Tirso Cruz III na madalas niyang kaeksena. Si Maja pa nga ang hiyang-hiya sa mga magagandang salita na ibinigay ng kanyang co-stars.

Tatlo ang magiging leading man ni Maja sa Wildflower, sina Joseph Marco, Vin Abrenica at RK Bagatsing. Nang tanungin ang dalaga kung sino sa tatlo ang pipiliin niya kung sabay-sabay siyang niligawan ng mga ito sa tunay na buhay. “Pwede silang tatlo na lang? Ha-hahaha! Magpaka-wild na muna tayo tutal Wildflower naman ang pinag-uusapan!”

Ano ba ang mga qualities na hinahanap niya sa isang lalaki? “Siyempre ‘yung mabait, malinis sa katawan, maka-Diyos at responsable.”

q q q

Samantala, sa darating na Lunes na magsisimula ang mapangahas na afternoon series ng ABS-CBN na Wildflower. Ayon kay Maja, sa pilot week pa lang ay pasabog na agad ang mapapanood ng madlang pipol.

Tutukan ang pagsisimula ng kapana-panabik na kwento ni Ivy (Maja), isang babaeng nasaktan, dinurog ng nakaraan, at lalaban para sa hustisya at pamilya.

Bago ipatikim ang galit at poot ay makikilala muna siya sa kanyang tunay na katauhan bilang si Lily (Xyriel Manabat), isang batang lumaki sa piling ng mapagmahal niyang magulang na sina Dante (Christian Vasquez) at Camia (Sunshine Cruz). Dala ng banta sa buhay ng amang abogado ay nilisan nina Lily ang kinagisnang bayan at lumipat sa Poblacion Ardiente.

Naging maayos naman ang mga unang linggo para sa pamilya Cruz, lalo na’t mabilis na nagkaroon ng kaibigan si Lily sa katauhan ni Diego (Jesse James Ongteco).

Subali’t magugulo ulit lahat nang magkagusto ang tatay ni Diego na si Raul (Wendell Ramos) kay Camia at muntik pa itong gahasain. Nalaman ito ni Dante na agad na magsasampa ng kaso laban kay Raul. Para hindi lumaki ang iskandalo, aayusin ni Emilia (Aiko Melendez), ang mayor ng kanilang bayan, ang gusot na ginawa ng kanyang asawa na si Raul.

Tuluyan nang gumuho ang mundo ni Lily sa biglang pagkamatay ng kanyang ama. Hindi pa natapos ang kalbaryo ni Lily at kinailangang iwanan ang ina. Maswerteng nakatakas si Lily sa lupit ng mga Ardiente at matatagpuan ang sarili sa pag-aaruga ni Prianka Aguas (Priscilla Meirelles). Palalakihin siya nito na parang tunay na anak at sasanayin bilang paghahanda sa kanyang paghihiganti.

Lilipas ang panahon at babalik si Lily sa Poblacion Ardiente bilang ang maalindog at mayamang si Ivy na hahamakin ang lahat para durugin ang mga Ardiente. Dito, muli ring magkukrus ang landas nila ng kaibigang si Diego (Joseph).

Paano makakaapekto si Diego sa kanyang paghihiganti? Makuha niya ba agad ang inaasam na hustisya para sa kanyang mga magulang? May puwang pa ba sa puso niya ang kapatawaran at pag-ibig?

Kasama rin sa sa cast ng Wildflower sina Malou De Guzman, Ana Abad Santos, Arnold Reyes at Izzy Canillo, sa direksiyon nina Onat Diaz, Cathy Camarillo at Raymond Ocampo. Ito’y sa production unit na pinamumunuan ni Ruel Bayani.

Huwag palampasin ang pagsisimula ng Wildflower ngayong Lunes sa ABS-CBN. Ito ang papalit sa magtatapos nang Doble Kara ni Julia Montes.

Read more...