MALAKI na ang improvement ng memory ng komedyanteng si Boobay mula nang ma-stroke siya. Although may memory lapses pa siya paminsan-misan, mas maigi na ito ngayon kumpara nang maospital siya.
“Yung mga kasamahan ko sa Zirkoh (comedy bar), kapag kinakausap ako, Ilocano ang sagot ko sa kanila. Hindi ko rin alam kung paano bumalik pero noon pag may bisita sa ospital, hindi ko masabi ang pangalan nila. That time, disoriented ako.
“So ngayon, actually, until now, few na lang. Masasabi ko na nag-improve talaga,” sabi ni Boobay na kinuhang host sa grand presscon ng bagong programa ni Regine Velasquez sa GMA 7, ang Full House Tonight.
Therapy araw-araw na sinasamahan ng gamot twice a day ang ginagawa niya, “Yung trabaho, ile-lessen na. Di ba, sa Klownz dati, alternate sa Zirkoh. Konti na lang ang pagtanggap. Nu’ng anniversary ng Klownz pumunta ako,” sey pa ng komedyante.
Alam ng lahat na malaki ang naitulong ng kaibigan niyang si Marian Rivera mula nang maospital siya. Binisita pa siya ng Kapuso Primetime Queen sa ospital.
“Nu’ng dumalaw siya, hindi ko siya kilala. Parang sinabi raw niya, ‘O, mag-pray ka palagi.’ Ang sabi ko sa kanya, “Gusto kong kumain!’ Hindi ko siya makilala.
“Tapos, ‘yon, sa Sunday PinaSaya, in-advise niya ako na huwag muna tanggap nang tanggap ng work. Kasi aanhin ko raw ‘yung pera kung wala na ako. Hayun, nag-thank you ako nang bonggang-bongga!” saad pa ni Boobay sa tulong ng kaibigan.