Bayan bigo sa Edsa 1

SA susunod na mga araw ay maglulutangan na naman ang mga nasyonalista kuno na salungat sa polisiya ng kasalukuyang administrasyon upang ipangalandakan ang People Power Revolution sa Edsa na naganap noong 1986.
Ipagdiriwang sa Pebrero 25 ang ika-31 anibersaryo ng tinatawag ding yellow revolution.
Tiyak na uulan na naman ng mga papupuri mula sa mga aktibista (raw) kung paano napatalsik ang Pangulong Marcos, naibalik ang demokrasya at ang kalayaan sa pamamahayag, ang muling pag-igi ng buhay ng mga Pilipino at kung ano-ano pang osana.
Hindi rin titigil ang mga ito, siyempre pa, sa pagdambana kay Pangulong Corazon Aquino, na siyang iniluklok sa pagkapangulo kapalit ni Marcos, dahil sa matapat at mabuti umano nitong pamamahala.
Kahit pa taliwas sa “pangako ng Edsa” ang naganap ilang panahon lamang makaraan ang rebolusyon, mananatiling bulag ang mga ito sa katotohanan na isa ang matandang Aquino sa mga pinakamasahol ng pangulo ng bansa.
Marami mang naganap na paglabag sa karapatang pantao noong Martial Law, hindi naman ito kasing tindi ng “total war policy,” na kontra sa mga makakaliwa at mga tagasuporta nito, ni Aquino kung saan sistematiko at walang-awa ang pagpatay ng militar at paramilitary groups.
Natatandaan n’yo pa ba ang kahindik-hindik na paghahasik ng lagim sa mga kanayunan ng mga vigilante groups gaya ng Alsa Masa, Tadtad, Eagle’s Squad, United People for Peace, at Citizen’s Army for Peace? Isa sa mga biktima, isang pari, ay binasag ang bungo at kinain ang utak ng miyembro ng isa sa mga grupong ito.
Kung paniniwalaan pa ang mga ilang mananaliksik, malalaman din na mas marami ang naging biktima ng human rights noong panahon ni Cory sa ilang taon niyang termino kumpara sa ilang dekada ni Marcos sa puwesto.
Sa pagtataya ng Task Force Detainees-Philippines, umabot sa 731 ang naging biktima ng extra-judicial killings at 10,882 ang ilegal na inaresto sa unang dalawang taong panunungkulan lamang ni Aquino.
At kumusta naman ang Lupao Massacre kung saan 17 sibiliyan ang pinatay ng mga militar sa Nueva Ecija noong Pebrero 19, 1987 at ang Mendiola Massacre kung saan 13 magsasaka ang binistay ng bala ng mga pwersa ng pamahalaan noong Enero 22, 1987? Nabigyan ba ng hustisya ang mga biktima?
Kung hindi pa sa inisyatiba ng administrasyong Duterte ay hindi na tuluyang maipapamigay ang mga lupain sa Hacienda Luisita, na pag-aari ng pamilya ni Cory, na hindi isinama sa lupang sakop ng repormang agraryo.
Ito ang ipinangako niyang magiging sentro ng kanyang pamahalaan–ang agrarian reform program–pero mas pinaboran ang mga may-lupa kesa sa mga magsasaka. Hanggang ngayon ay nananatiling isa sa pinakamahihirap na sektor ang mga magsasaka.
Isa pang mantsa sa administrasyon ni Cory ang anim na coup d’etat o pagtatangka sa kanyang administrasyon, na isinagawa ng Reform the Armed Forces Movement (RAM) sa paniwalang hindi siya nararapat mamuno. Humigit kumulang na 50 ang nasawi sa mga tangkang ito mula 1986 hanggang 1987.
Literal ding naging madilim ang buhay ng mga Pinoy noong panahon ni Cory dahil sa halos araw-araw na blackout. Mula pito hanggang 12 oras ang naranasang power interruption noon kaya umabot umano sa $800 milyon ang nalugi sa mga negosyo.
Marami ring kuwento ang lumabas noong mga panahong iyon ukol sa pagpabor umano ng pangulo sa kanyang mga kamag-anak.
Ayon sa isa, imbes raw na ibigay sa Presidential Commission on Good Government ang 38 kumpanya ng bayaw ni Marcos na si Kokoy Romualdez na nagkakahalaga ng aabot sa $38 milyon ay napunta raw ito sa isa sa kanyang mga pinsan.
Ganoon din umano ang nangyari sa
Philippine Long Distance Company (PLDT) kung saan imbes na i-sequester ng pamahalaan ay ibinalik ito sa kanyang mga pamangkin gayong nabayaran na umano ang mga ito sa pagbenta ng equity.

Read more...