Trump, gagayahin si Digong sa droga

KAPAG nagkataon ay gagayahin ni US President Donald Trump ang ginagawa ni Pangulong Duterte sa mga terorista, pusakal na kriminal at drug dealers.
Nakuha ng inyong lingkod ang impormasyong nabanggit sa isa kong kaibigang Amerikano na malapit sa White House.
Ilang close advisers ni Trump ang nagbibigay ng payo sa kanya na gayahin si Digong sa pagsugpo ng terorismo, krimen at droga, ayon sa aking kaibigan.
“Knowing Trump, I’m sure he will follow the advice of his advisers,” sabi ng aking kaibigan na taga California.
Ang mga advisers ni Trump kasi ay nakamonitor sa nangyayari sa Pilipinas at alam nila na bumaba ang paglaganap ng krimen at bumagal ang pagkalat ng droga nang maupo si Pangulong Digong.
Sinabi ng aking kaibigan, na madalas bumisita sa Maynila, na bago pa man manalo si Trump ay magiging magkaibigan sila ni Digong kapag ito’y naluklok sa White House.
“Both of them are straight talkers and doers, Mon,” sabi ng aking kaibigan na Amerikano.
Hindi bago ang aking kaibigan sa federal government dahil siya’y naging adviser sa kalikasan ng isang senador sa Washington D.C.
Bago sumumpa si Trump bilang US president, sinabihan ako ng aking kaibigan na personal na inimbita ni Trump ang ating Pangulo na dumalo sa kanyang inaugural.
Hiniling pa nga ng aking kaibigan na samahan ko si Pangulong Digong upang ipa-tour o ipasyal niya ako sa White House.
Hindi dumalo si Digong sa inaugural ni Trump dahil sinabi niya na ayaw niyang tumuntong sa US.
***
Nagpakulo uli si Philippine National Police (PNP) Director General Ronald “Bato” dela Rosa upang malagay na naman sa mga balita!
Pinagalitan ng PNP chief sa harap ng mga TV cameras ang mga pulis-Pampanga na dumukot at nambakal ng ilang Koreano sa Angeles City ilang buwan na ang nakararaan.
Upang mabigyan ng drama ang kanyang galit (daw) ay pinag-push-up ni Bato ang mga pulis.
Ang kasalanan ng mga pulis ay lumutang nang makidnap ang Koreanong negosyante na si Jee Ick-joo ng mga pulis sa anti-narcotics unit.
Pinatay ng mga pulis si Jee sa loob mismo ng Camp Crame ng araw din na siya’y dinukot noong October, 2016.
Ang pagbigay ni Bato ng magaang na parusa sa mga pulis-Pampanga na nakagawa ng heinous crime ay parang engganyo na rin sa kanila na gumawa pa ng krimen.
Dapat binulungan ni Bato ang mga bugok na pulis, “Gawin ninyo uli, mga bata.”
Si Bato ang kauna-unahang PNP chief na payaso o clown. Mas gusto niyang magpatawa kesa maging seryoso sa kanyang gawain.
Nakapagtataka na hanggang ngayon ay di pa siya natatanggal bilang PNP chief kahit na marami na siyang palpak na ginawa.
***
Ang pagpapasara ni Environment Secretary Gina Lopez ng 23 minahan ay nagpadala ng malakas na mensahe sa mga mining companies na di na sila kokonsentihin sa pagsira nila sa kalikasan.
Pinasara ni Lopez, isang environmentalist, ang mga minahan dahil ito’y nasa mga watersheds.
“You cannot have any mining operations in a watershed. Water is life,” ani Lopez.
Tama si Gina, ang tubig ay buhay at dapat pangalagaan ng mabuti.
Di gaya ng mga naunang secretary ng Department of Environment and Natural Resources, si Gina ay hindi masusuhulan.
Kahit na siya’y angkan ng mayayamang Lopez na nagmamay-ari ng ABS-CBN, walang pakialam si Gina sa pera dahil siya’y dating Buddhist nun.
Noong kanyang kabataan, humihingi ng limos si Gina sa India bilang isang masugid na follower ng Buddhism.
***

Maanghang na salita ang binitiwan ni Speaker Pantaleon “Bebot” Alvarez sa mga obispo ng Simbahang Katolika.
Tinawag niya silang mga hypocrites o ipokrito.
Wala raw karapatan ang mga obispo na maghusga sa kampanya laban sa droga ni Pangulong Digong dahil sila’y makasalanan din.
Ang maanghang na salita ni Alvarez ay bunga ng pagbabatikos ng Simbahan sa napapatay ng mga drug pushers at addicts.
“They (bishops) are simply a bunch of shameless hypocrites,” ayon kay Alvarez.
Siya nga naman: Sa halip na tuligsain ng Simbahan ang kampanya laban sa droga ay dapat tumulong ito sa pagsugpo sa pinagbabawal na gamot sa bansa.
Sabi pa nga ni Presidential Spokesman Ernesto Abella, bakit hindi na lang daw gamitin ng Simbahan ang oras sa mas mabuting gawain.

Read more...