VIGAN City, Ilocos Sur – Matinding resbak ang ipinakita ni 2016 LBC Mindanao at Luzon leg champion Jan Paul Morales Linggo ng umaga sa pagsungkit sa mapanghamon na Stage Two criterium ng 2017 LBC Ronda Pilipinas na nagsimula at nagtapos sa harap ng Provincial Capitol dito.
Ipinamalas ni Morales ang husay sa huling 50 metro ng isang oras na ikutan at dagdag ang tatlong ikot upang iwanan ang limang kasama nito sa lead group tungo sa pag-angkin sa hindi na nito mabilang na stage victory.
“Ayaw nila akong pakawalan kaya kung sino ang makakasabay ay isinabay ko na lang,” sabi ng 31-anyos mula sa Calumpang, Marikina na si Morales, na pinatunayan ang kanyang pagiging “King of Criterium” matapos idagdag sa kanyang koleksiyon ang mahirap na ruta na dumaan sa masikip at puro kurbada na 2.7 kilometrong lakbayin.
Kabuuang 41 lamang mula sa 92 siklista ang nakatapos sa mapanghamong ruta na sa kauna-unahang pagkakataon ay umikot sa kinilala ng UNESCO na World Heritage Site na dinaanan ang popular na cobblestone at mga lumang bahay na halos katulad sa tinagurian ng Tour de France na yugto nito na “Hell of the North.”
“Masusubok ang talino ng isang siklista sa ruta na ito dahil halos siko ang kurbada at mahirap dumaan mismo doon sa cobblestone,” sabi ni PhilCycling executive director at race marshall na si Jojo Villa.
Nakataya ang premyong P1 milyon sa maghahari sa karera mula sa presentor na LBC katulong ang MVP Sports Foundation, Petron, Mitsubishi, Versa.ph, Victory Liner, Maynilad, Standard Insurance, CCN, Bike Xtreme, NLEX, PhilCycling at 3Q Sports Event Management.
Gayunman, ginamit ni Morales ang kanyang husay sa sprint patungo sa finish line upang talunin ang kasamahan na overall leader at may hawak sa red jersey na si Rudy Roque pati na ang anim na iba pa na kasama sa lead group upang ipadama ang kanyang pagnanais na makapagtala ng kasaysayan bilang back-to-back champion sa karera.
“Hindi ako makawala dahil bantay na bantay ako noong Stage One kaya ginawa ko na lang na kung sino sa kanila ang makakasabay ay bahala na sila,” sabi ni Morales, na itinala ang kabuuang 1:11:44 oras kasama sina Roque, Cris Joven ng Kinetix Lab-Army, Jaybop Pagnanawon ng Bike Xtreme, Roel Quitoy ng Team Mindanao at Ronnilan Quita ng Kinetix Lab-Army.
Tumapos na ikapito ang Stage One winner na si Ronald Lomotos ng Navy-Standard Insurance sa 1:11:49 oras habang ikawalo si Ronnel Hualda ng Go for Gold sa 1:11:53. Ikasiyam at ikasampu naman ang magkakampi sa RC Cola-NCR na sina Jervin Torres at Leonel Dimaano sa itinalang 1:11:54.
Isusuot muli ni Roque ang red jersey bilang simbolo ng liderato sa general classification sa kabuuan nitong natipong oras na 5:03:03. Naiwanan nito ng 20 segundo sa ikalawa si Lomotos habang nasa ikatlo ang rookie ng Navy na si Archie Cardana ng 41 segundo.
Ikaapat si Ismael Grospe Jr. ng G4G na 2:28 naiiwan sa liderato habang ikalima si Jaybop Pagnanawon ng Bike Xtreme (3:41), ikaanim si Jay Lampawog ng Navy (3:53), Ryan Serapio ng Team Ilocos Sur (3:54), Jonel Carcueva ng G4G (3:57), Roel Quitoy ng Mindanao (3:58) at Orlie Villanueva ng G4G (4:04).
Umangat naman si Morales mula sa ika-23 puwesto patungo sa ika-17 puwesto habang mula sa ika-30 ay umakyat si Lloyd Lucien Reynante tungo sa ika-24 na puwesto.
Magpapahinga muna ngayon ang buong delegasyon ng LBC Ronda Pilipinas 2017 upang magtungo sa Angeles City para sa Stage Three sa Miyerkules kung saan isusuot muli ni Roque ang red jersey habang kay Lomotos muli ang blue jersey para sa Sprint King. Ang polka dot jersey na simbolo sa King of the Mountain ay isusuot ni Grospe Jr. habang ang yellow gold jersey ay mananatili kay Cardana.