Nasawi ang isang Amerikano na retiradong miyembro ng US Navy nang pagbabarilin ng mga armadong naka-motorsiklo sa San Jacinto, Pangasinan, Sabado, ayon sa pulisya.
Nakilala ang nasawi bilang si Danny Blaylock, 70, residente ng Brgy. Casibong, San Jacinto.
Naglalakad si Blaylock pauwi dakong alas-10:35 ng umaga, nang pagbabarilin ng dalawang lalaking magkaangkas sa motorsiklo, ayon sa ulat ng Pangasinan provincial police.
Isinugod pa ng mga rumespondeng pulis si Blaylock sa Mapandan Community Hospital dahil sa mga tama ng bala, ngunit idineklara siyang patay ng doktor, ayon sa ulat.
Natagpuan naman sa crime scene ang limang basyo ng kalibre-.45 pistola at ang cellphone ng biktima.
Inaalam pa ng pulisya ang pagkakakilanlan at motibo ng mga salarin, na agad tumakas matapos ang pamamaril.
Napag-alaman na ang driver ng motor ay naka-itim na jacket at helmet, habang ang gunman ay nakasuot ng six-pocket short pants na camouflage, bull cap, at sunglasses, ayon sa pulisya. (John Roson)