TNT, Star lumapit sa semifinals

Mga Laro Ngayon
(Ynares Center)
4:30 p.m. San Miguel Beer vs Rain or Shine
6:45 p.m. Brgy. Ginebra vs Alaska

RUMAGASA ang TNT KaTropa Texters sa second half para talunin ang Globalport Batang Pier, 109-101, at makuha ang 1-0 bentahe sa kanilang 2017 PBA Philippine Cup best-of-three quarterfinals matchup Sabado sa Mall of Asia Arena, Pasay City.

Pinangunahan ni Jayson Castro ang Tropang Texters sa ginawang 20 puntos mula sa 7-of-11 field goal shooting na sinamahan ng apat na rebounds.

Si Larry Fonacier ay  nagtala ng 17 puntos kabilang ang 5-of-9 3-point field goals para sa TNT habang si Mo Tautuaa ay nagdagdag ng 17 puntos at siyam na rebounds.

Nakatulong din sina Troy Rosario na may 11 puntos, walong rebounds at dalawang assists at Matt Ganuelas-Rosser na may 10 puntos.

Kinamada naman ni Terrence Romeo ang 15 sa kanyang 28 puntos sa ikaapat na yugto maliban sa pagkolekta ng limang rebounds at walong assists habang si Stanley Pringle ay nag-ambag ng 19 puntos at limang rebounds para sa Globalport.

Si Mick Pennisi ay nagdagdag ng 14 puntos para sa Batang Pier, na hindi na nakakuha ng sapat na kontribusyon mula sa iba pa nitong manlalaro.

Sa ikalawang laro, nilampaso ng Star Hotshots ang Phoenix Petroleum Fuel Masters, 114-83, sa Game One ng kanilang best-of-three quarterfinals duel.

Muling ipinakita ng Hotshots ang dominasyon nito sa Fuel Masters kung saan ang mga reserve players nito ang nanguna sa kanilang arangkada sa ikatlong yugto para itaguyod ang 82-63 kalamangan.

Mula rito ay pinalawig ng starters ng Star ang kanilang kalamangan sa 37 puntos, 110-73, may 1:55 ang nalalabi sa laro.

Pinamunuan ni Paul Lee ang Hotshots sa itinalang 22 puntos  kabilang ang  5-of-8 shooting mula sa tres habang sina Ian Sangalang at Justin Melton ay nagdagdag ng 17 at 12 puntos para sa Star.

Tatangkain naman ng TNT KaTropa at Star na makausad sa semifinals sa pagwalis sa kanilang serye sa Game 2 bukas sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.

Read more...