UAAP Season 79 volleyball umpisa na

Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
8 a.m. DLSU vs FEU (men)
10 a.m. ADMU vs UST (men)
2 p.m. NU vs UE (women)
4 p.m. ADMU vs UST (women)

SISIMULAN ng Ateneo de Manila University Blue Eagles ang pagnanais sa ikatlong sunod na korona sa men’s division habang nakatuon ang katapat nitong Lady Eagles na maagaw muli ang nabitawang titulo sa women’s division sa pagsisimula ngayon ng UAAP Season 79 volleyball tournament sa Smart Araneta Coliseum.

Una munang magsasagupa ang De La Salle University at Far Eastern University sa unang laro ganap na alas-8 ng umaga bago sundan ng salpukan ng Ateneo at University of Santo Tomas sa ganap na alas-10 ng umaga.

Agad itong susundan ng salpukan sa pagitan ng kinukunsiderang title contender ngayong taon na National University Lady Bulldogs na haharapin ang University of the East Red Spikers dakong alas-2 ng hapon bago ang tampok na sagupaan sa pagitan ng Ateneo Lady Eagles at University of Santo Tomas Lady Tigresses sa alas-4 ng hapon.

Ito ang unang pagkakataon matapos ang limang taon na hindi makakasama ng Ateneo ang serbisyo ng three-time UAAP MVP na si Alyssa Valdez at Amy Ahomiro bagaman nananatili ang Lady Eagles bilang isa sa hahamon sa korona at targetin na mabawi ang kanilang trono bilang reyna ng UAAP.

Gayunman, aasa sa tinanghal na UAAP Season 77 best setter na si Jia Morado ang Lady Eagles na siyang aako sa naiwan na responsibildad ni Valdez bilang team captain. Makakasama nito sina Jhoana Maraguinot, Bea de Leon at Kim Gequillana. Magbabalik din si Mich Morente, na kasama sa back-to-back title team ng Ateneo, at Maddie Madayag.

Isa pang magbabalik para sa Ateneo, na nanguna sa eliminasyon noong nakaraang taon sa 12-2 record at nakatuon ngayon sa pagtuntong sa kampeonato sa ikaanim na sunod taon, ang 6-foot-3 open spiker na si Kat Tolentino na nagmumula sa knee injury.

Pilit naman pipigilan ng UST ang serye ng nakakadismayang taon sa pagnanais ng Tigresses na putulin ang apat na taong pagkauhaw sa Final Four at pagandahin ang huling itinalang record noong Season 78 na 5-9.

Sasandigan ng spikers mula sa España ang naitalang panalo kontra sa tinanghal na kampeon nitong nakaraang taon na La Salle at ang nakamit na ekspiriyensa sa pagiging kampeon sa ginanap na University Games upang magtangka na magbalik sa pamilyar nitong puwesto sa Final Four.

Hindi na makakasama ng Tigresses sina Carmela Tunay at Jessey de Leon habang magbabalik sa koponan sina EJ Laure, Pam Lastimosa at Cherry Rondina.

Kapwa naman asam ng NU Lady Bulldogs at UE Red Spikers ang magandang kampanya ngayong taon.

Ang Lady Bulldogs ang isa sa kinukunsidera sa korona matapos nitong magwagi ng korona sa isang liga at ang muling paglalaro nina Jaja Santiago at setter na si Jasmine Nabor na inaasahang sasandigan ng koponan pati na rin sina Jorelle Singh, Risa Sato, Roma Doromal at Aiko Urdas.

Ipagpapatuloy naman ng Red Spikers ang naitala nitong karanasan noong nakaraang taon matapos wakasan ang tatlong diretsong taon na hindi nakakatikim ng panalo sa pagsungkit sa natatangi nitong pagwawagi sa pinakahuling laban para sa Season 78 record na 1-13.

Tanging isang set lamang ang naipanalo nito sa kabuuan ng Season 78 kontra FEU bago nito nagawa sa pinakahuling laban ng torneo ang kauna-unahang panalo na pumigil sa 58 nitong sunod na kabiguan sa pag-uwi ng 25-17, 25-22 at 29-27 panalo kontra Adamson University.

Hindi na makakasama ng koponan sina Celine Domingo at Dana Disquitado bagaman magbabalik sina Shaya Adorador, Kathleen Arado at Roselle Baliton. Si Adorador ang most consistent sa koponan habang malaki rin ang pagbabago sa libero na si Arado matapos na kilalanin na Rookie of the Year noong Season 77.

Read more...