SAN Miguel Beer at Alaska Milk ang Top Two teams sa pagtatapos ng single round eliminations ng PBA Philippine Cup!
So, what’s new?
Para na kasing sirang plaka ang pangyayaring ito, e. Kasi, sa huling dalawang edisyon ng Philippine Cup, ang Beermen at Aces ang siyang nagtagpo sa best-of-seven Finals ng conference. Ibig sabihin, sila ang top two teams.
Puwedeng hindi sila ang top two teams sa elims, pero nang tumining na ang tubig, sila pa rin ang nagkita sa Finals.
Ngayon, elimination round pa lang ay silang dalawa na kaagad ang nasa itaas. Mapapanatili ba nila ang kalagayang ito hanggang sa dulo?
Pusible. Kasi kapwa sila nagkamit ng twice-to-beat advantage sa quarterfinals na magsisimula ngayon. Ibig sabihin ay isang beses lang nila kailangang talunin ang makakatagpo sa yugtong ito ay pasok na sila sa semifinals.
At dahil sa tila mas madali ang rutang kanilang daraanan, natural na mas makapagpapahinga sila at makapaghahanda sa katunggali sa semis.
At kung patuloy silang papalarin, baka nga dumiretso sila sa best-of-seven Finals.
Ang tanong: kapag silang dalawa ulit ang nagkita sa Finals ay mababago na ba ang istorya?
Kasi, sa huling dalawang Philippine Cup Finals ay na-master ng Beermen ang Aces. Umabot nga sa sukdulang Game Seven ang serye pero sa katapusan ay San Miguel Beer pa rin ang namayani.
Noong 2015 ay abot kamay na ng Alaska Milk ang titulo pero nagbida sa Game Seven si Arwind Santos na siyang nagbuslo ng winning basket.
Noong nakaraang taon ay mas masaklap ang nangyari sa Alaska Milk.
Sinamantala ng Aces ang pangyayaring nagtamo ng injury si June Mar Fajardo at hindi nakapaglaro sa unang apat na games ng Finals. Umabante agad ang Aces, 3-0, at isang panalo na lang ang kailangan nila upang mablangko ang Beermen at maiuwi ang korona.
Biruin mong hindi dumating ang inaasam na isang panalong iyon.
Sa halip ay nakaremate ang Beermen at nanalo sa huling apat na games upang maidepensa ang korona.
Ang masakit ay hindi nga kasama ng Beermen si Fajardo sa Game Four at puwede na itong tapusin ng Aces na lumamang ng 11 puntos sa huling tatlong minuto ng regulation period.
Pero binuhay ni Chris Ross ang San Miguel Beer mula roon hanggang sa overtime period upang manatiling buhay ang kanyang koponan at hindi mawalis. Nagbalik sa active duty si Fajardo sa Game Five at doon na natapos ang boksing!
Kapag tiningnang mabuti ang lineups ng magkabilang koponan ay masasabing mas lumakas ang Beermen. Kaya nga 10-1 ang record ng San Miguel Beer sa elims.
So, ibig bang sabihin ay hindi na mahihirapan ang San Miguel Beer na makatatlong Philippine Cup titles?
Hindi natin masabi. Kasi baka magkumpiyansa ang Beermen at iyon ang sasamantalahin hindi lang ng Alaska Milk kungdi ng ibang koponang nakaharang sa daraanan nila.