Maglulunsad na ang Armed Forces ng opensiba laban sa New People’s Army (NPA), matapos wakasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pinairal na tigil-putukan ng pamahalaan.
“We will go after the NPA to prevent them from conducting atrocities and criminal activities against the public. And we will hit them hard!” sabi ni AFP chief Gen. Eduardo Año sa isang text message.
Ibinigay ng military chief ang pahayag matapos maglabas si Pangulong Duterte ng sama ng loob sa pagpatay ng NPA sa ilang sundalo sa mga pag-atake, nitong mga nakalipas na araw.
“Go back to your camps, clean your rifles, and get ready to fight,” utos ng pangulo sa mga kawal.
Inilarawan ni Año bilang “disdainful and disturbing” ang nakalipas na apat na araw, kung saan anim na kawal ang napatay at tatlo pa ang dinukot ng NPA, ang armadong sangay ng National Democratic Front at Communist Party of the Philippines.
“While Fidel Agcaoilli (of the National Democratic Front) was assuring the public thru media that NDF-CPP-NPA will continue the unilateral ceasefire, the CPP-NPA were attacking our soldiers who were doing community support and development work,” anang military chief.
“We welcome the pronouncement of the President because the AFP has to do its mandate of protecting the people, securing the community, and taking care of our own soldiers too,” ani Año.
Sinabi ni AFP spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla na nagsimula ang mga pag-atake ng NPA ilang araw pa bago wakasan ng mga rebeldeng komunista ang sarili nilang ceasefire.
Labing-walong pag-atake ang naitala sa iba-ibang bahagi ng bansa mula Enero 15, ani Padilla.
Partikular na tinukoy ni Año ang pagkakapatay kay 2Lt. Miguel Victor Alejo sa pananambang ng NPA sa Manay, Davao Oriental, noong Miyerkules.
Ayon kay Padilla, ang “most heinous” o karumal-dumal sa mga pag-atake ay ang pananambang na ikinasawi ng tatlong kawal sa Malaybalay City, Bukidnon, noon ding Miyerkules.
Nagtamo ang tatlo ng 76 tama ng bala, o di bababa sa 24 tama ng bala kada isa, sabi ni Army 4th Infantry Division spokesman Capt. Joe Patrick Martinez, gamit bilang basehan ang ulat ng forensic experts ng pulisya.
“There were NPA members firing from the high ground and they went near the three unarmed soldiers to finish them off,” ani Martinez.
Karamihan sa mga basyo ay natagpuan malapit sa bangkay ng mga nasawing kawal, aniya pa.
Sa kabila ng pagtatapos ng ceasefire, sinabi ni Año na susuportahan pa rin ng militar ang usapang pangkapayapaan sa NDF upang makahanap ng permanenteng solusyon sa apat na dekada nang bakbakan ng pamahalaan at mga rebeldeng komunista.
“We hear the people’s clamor for peace and are willing to work hard to attain it, but it is unfortunate that the CPP-NPA-NDF chooses to play deaf,” anang military chief.
MOST READ
LATEST STORIES