Pinsala sa sunog sa Cavite umabot na sa P15B; 10K mawawalan ng trabaho

Cavite-Fire-HTI (1)

UMABOT na sa P15 bilyon ang pinsala sa sunog na sumiklab sa compound ng House Technology Industries (HTI) sa Cavite Export Processing Zone, ayon kay Cavite Governor Boying Remulla.

Idinagdag ni Remulla na aabot naman sa 10,000 manggagawa ang mawawalan ng trabaho dahil sa nangyaring sunog.
Nagdeklara na si Remulla ng state of calamity, bagamat binati ito nang mangako ang kompanya na sasagutin ang lahat ng gastos at mga pinsala.
Idinagdag ni Remulla na ang HTI ang itinuturing pinakamalaking employer sa Cavite kung saan mas malaki pa sa Araneta Coliseum ang pasilidad nito.
Aabot sa mahigit 300 manggagawa ang nasa loob ng anim-na ektaryang pabrika nang sumiklab ang sunog ganap na alas-6 ng gabi noong Miyerkules.
Dalawang biktima ng sunog ang nasa kritikal na kondisyon, samantalang nasa ospital din ang 124 iba pa na nagtamo ng mga bahagyang sugat.
Idinagdag ni Remulla na wala pa namang nasasawi, bagamt tatlong katao pa ang hindi pa nakikita at anim na iba pa ang nawawala.
Sinabi ni Bureau of Fire Protection Region 4A Director Sergio Soriano na 80 porsiyento na ng sunog ang naaapula kahapon ng tanghali at inaasahan nilang tulyan na itong maaapula bago matapos ang araw.

Read more...