Niliwanag naman ni dela Rosa na ayaw niyang pangunahan ang isinasagawang imbestigasyon, bagamat nagbigay pa rin ng detalye sa media kung paano pinatay ang mataas na opisyal ng Korean Hanjin, na nagresulta naman sa masamang imahe ng Pilipinas sa buong mundo dahil sa pagkakasangkot ng mga otoridad.
“The picture is getting clearer and hopefully, the truth will soon come out,” sabi ni dela Rosa sa panayam sa media sa Camp Crame, kung saan nangyari ang pagpatay kay Jee.
Idinagdag ni dela Rosa na magkasama ang ilang PNP at NBI sa isinagawang krimen.
“Sindikato talaga. Nag-connive mga miyembro ng dalawang ahensya. Hindi naman buong ahensya. ‘Yung mga miyembro lang na may mga hindi magandang plano,” dagdag ni dela Rosa.
Idinagdag ni dela Rosa na matinong negosyante si Jee na nais turuan ng leksiyon ang mga opisyal ng gobyerno na nangingikil.
Sinabi ni dela Rosa na ilang negosyate na nagsasagawa ng online gaming sa Pampanga, kung saan nakabase si Jee, ang regular na nagbibigay ng protection money sa mga tiwaling opisyal ng NBI.
Idinagdag ni dela Rosa na tumangging magbigay si Jee sa mga korap na opisyal.
Nagsusuplay si Jee ng mga tao sa mga online casino.
“Regular na nagbibigay ng pera ‘yung online gaming doon sa mga tiwaling opisyal ng NBI then itong si Jee Ick-joo is matino na tao. Ayaw magbigay. Gustong bigyan ng leksyon para ‘yung ibang Koreans involved sa online gaming dyan sa may (Casino Filipino) Mimosa matakot na para magbigay. Ginamit ‘yung si Sta. Isabel para palabasin na anti-drug operations,” sabi ni dela Rosa.