Nadakip ang mga suspek na sina Majing Salyun, nasa ligal na edad, at Nasser Ongah, 20, sa Sitio Kanjawali, Brgy. Kan Bulak, dakong alas-4:30, sabi ni Lt. Col. Benedicto Manquiquis, public affairs officer ng Army 1st Infantry Division.
Dinampot ng mga miyembro ng 32nd Infantry Battalion ang dalawa habang tinutugis ang mga kasapi ng Abu Sayyaf na umatras matapos ang isang engkuwentro sa bayan ng Panamao, sabi ni Manquiquis sa isang text message.
Una dito’y naispatan ng mga kawal ang dalawang kahina-hinalang lalaki, kaya tinanong at kinapkapan ang mga ito.
Nakuhaan ang dalawa, na nakilala bilang sina Salyun at Ongah, ng dalawang granada, ani Manquiquis.
Kasunod nito’y ginalugad ng militar ang lugar at nakatagpo ng M16A1 rifle, limang magazine at 20 bala nito, pati na isang kalibre-.30 Browning Automatic Rifle at limang magazine nito, aniya.
Nakatagpo rin ng dalawang bandoleer, isang backpack, pares ng combat boots, sari-saring military uniform, personal na gamit, at dokumentong may “high intelligence value,” ani Manquiquis.
Dinala sina Salyun at Ongah sa tactical command post ng 501st Brigade sa Panamao bago ilipat sa Sulu provincial police para masampahan ng kaso.
Naganap ang pagdakip dalawang raw matapos makasagupa ng mga elemento ng 4th Scout Ranger Battalion ang aabot sa 50 tagasunod ni Abu Sayyaf sub-commander Alhabsy Misaya sa Brgy. Pugad Manaul, Panamao, noong Martes.
Sangkot ang mga tagasunod ni Misaya sa pagdukot ng ilang tao, kabilang ang isang Koreano at ilang Malaysian, sa bahagi ng dagat na malapit sa Sulu, ayon sa mga naunang ulat ng militar.
Dalawang kawal ang nasugatan sa engkuwentro noong Martes kung saan, ayon sa Armed Forces Western Mindanao Command, ay may limang bandidong napaulat na napatay at pito pa ang nasugatan.
Patuloy pang tinutugis ng mga kawal ang grupo ni Misaya, ani Manquiquis.