Mga Laro Ngayon
(Cuneta Astrodome)
4:15 p.m. Star vs
Mahindra
7 p.m. Rain or Shine vs Alaska
Team Standings: San Miguel Beer (10-1); Alaska (6-4); Star (6-4); Phoenix (6-5); Ginebra (6-5); TNT (6-5); GlobalPort (6-5); Rain or Shine (5-5); Blackwater (5-6); Mahindra (3-7); Meralco (3-8); NLEX (2-9)
SINO ang magmamay-ari ng pangalawang twice-to-beat advantage sa playoff round?
Malalaman ito ngayon sa huling araw ng eliminasyon ng PBA Philippine Cup sa Cuneta Astrodome, Pasay City.
Sa ngayon, tanging ang top seed San Miguel Beer pa lamang ang nakakasigurong may twice-to-beat advantage sa quarterfinal round.
Magkasalo naman sa pangalawang puwesto ang Alaska Aces at Star Hotshots na parehong may 6-4 kartada.
Makakasagupa ngayon ng Alaska ang Rain or Shine umpisa alas-7 ng gabi habang makakaharap naman ng Star ang Mahindra sa unang laro dakong alas-4:15 ng hapon.
Kapag parehong nanalo ang Alaska at Star at nagtabla pa rin sila sa pangalawang puwesto ay mapupunta sa Alaska ang twice-to-beat advantage dahil sa winner-over-the-other rule. Tinalo ng Aces ang Hotshots sa overtime, 97-90, noong Enero 11.
Ang tanging tsansa ng Star na makakuha ng bentahe sa susunod na round ay kung magwawagi ito kontra Floodbuster ngayon at umasang mabibigo ng Rain or Shine ang Alaska sa main game.
“We will go all out against Mahindra. We prepared hard for this game because we want to end our last elimination game with a win, going into the playoffs to build momentum and winning habit,” sabi ni Star coach Chito Victolero.
“Plus the fact that we have a chance to the No. 2 spot. Mahindra is playing well so we need to focus on defense and follow our game plan.”
Mahalaga rin para sa Rain or Shine na manalo ngayon para makasiguro itong maka-usad sa susunod na round.
Kapag natalo ang Rain or Shine ay mahuhulog ito sa ikawalong puwesto katabla ng Blackwater na may 5-6 record.
Kapag nagkaganito ay maglalaro ng knockout game ang Elasto Painters at Elite para sa huling quarterfinals berth.
Ang pinakamasalimuot na senaryo na maaaring mangyari ngayon ay kung perehong matatalo ang Alaska at Star at magkakaroon ng 7-way tie para sa No.2 spot.
Pagbabasehan dito ang quotient ng mga koponang nagtabla-tabla para malaman ng puwesto ng mga koponan mula No. 2 hanggang No. 8 sa quarterfinal round.
Bagaman eliminated na ay nais ng Mahindra ang graceful exit at sundan ang 106-96 panalo nito kontra NLEX noong Biyernes.
“We want to end our conference on a high note and make a big statement that we are going to be highly competitive in the next conference,” sabi ni Floodbuster mentor Chris Gavina.
“There’s plenty of motivation for us to outplay Star and Alex Mallari will be sure to be highly inspired to play at a high-level against his former team.” —Angelito Oredo