Sinalakay ng aabot sa 30 armado ang mga security office, nanny and drivers’ quarters, at manager’s quarters sa Hamilo Coast, Pico de Loro, Brgy. Papaya, mula alas-6 hanggang alas-7, ayon sa ulat ng Batangas provincial police.
Sa naturang lugar nagdaos ang Miss Universe 2016 ng beach party na dinaluhan ng 16 kandidata at ni Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach noong Enero 19 lamang.
Matatandaan na ineskortan pa ng Navy papunta doon sina Wurtzbach at mga kandidata, na bumiyahe sa dagat mula Maynila, sakay ng yate ni dating Ilocos Sur Gov. Chavit Singson.
Ayon sa pulisya, dakong alas-6:15 nang salakayin ng tinatayang 25 armadong naka-military uniform ang detachment at tanggapan ng Selective Security Agency, isa sa mga security provider ng Hamilo Coast.
Tinutukan ng baril at dinisarmahan ng mga armado ang mga security guard doon, at tinangay ang 26 na 12-gauge shotgun, pitong M16 rifle, isang kalibre-.9mm pistola, at isang kalibre-.38 baril.
Dakong alas-7, nagtungo naman ang mga armado sa compound ng Costa de Hamilo Inc., kung saan naroon ang staff house, compound ng State Management Group Compound at pangunahing security provider ng Hamilo Coast.
Nabatid na unang bumaba sa isang van isang babae’t apat na armadong lalaki, at pinasok ang mga tanggapan matapos magpanggap bilang mga “inspector” ng Department of Environment Natural Resources.
Agad dinisarmahan ang mga naka-duty na security guard at tinipon sa loob ng compound kasama ang iba pang guwardiya at empleyado.
Kasunod noo’y nagsibaba rin ang iba pang armado sa tatlong van at ni-ransack ang mga gusali’t tanggapan sa compound.
Natangay sa mga guardiya ng 3i International Security Services ang dalawang M16 rifle, tatlong 12-gauge shotgun, tatlong kalibre-.9mm pistola, 10 handheld radio, 10 cellphone, at isang laptop, ayon sa pulisya.
Sinunog pa ng mga armado ang nanny and drivers’ quarters, at tinangka ring sunugin ang manager’s quarters gamit ang mga kumot at kurtina, bago tumakas.
Naglunsad ng pagtugis ang pulisya’t militar nang matunugan ang insidente, at dakong alas-3 ng umaga Lunes ay natagpuang abandonado ang tatlo sa mga van na ginamit ng mga salarin.
Natagpuan ang mga van na Toyota Hi Ace (YZ-0620), Mercedes Benz (UTW-433), at Mercedes Benz (UNU-800) sa Sitio Damulag, Brgy. Latag, Nasugbu, tinatayang 15 kilometro mula sa sentro ng bayan. (John Roson)
MOST READ
LATEST STORIES