Globalport Batang Pier umusad sa quarterfinals

Mga Laro sa Miyerkules
(Cuneta Astrodome)
4:15 p.m. Star vs Mahindra
7 p.m. Rain or Shine vs Alaska

PINAGLARUAN ng matinding backcourt ng Globalport na sina Terrence Romeo at Stanley Pringle ang depensa ng Rain or Shine para ihatid ang Batang Pier sa 117-99 panalo kontra Elasto Painters at selyuhan ang quarterfinals berth sa 2017 PBA Philippine Cup Linggo sa Cuneta Astrodome, Pasay City.

Kumana si Romeo ng career-high 44 puntos, kabilang ang 20 puntos sa ikalawang yugto, para pangunahan ang Globalport. Naghulog din siya ng 19 puntos sa huling yugto para tuluyang selyuhan ang panalo ng Batang Pier.

Tumira si Romeo ng 8-of-15 mula sa 3-point area at kumulekta ng tig-anim na rebounds at assists habang ang kanyang backcourt partner na si Pringle ay may 28 puntos, anim na rebounds at limang assists.

“It was a Terrence Romeo and Stanley Pringle story, but I guess you have to give credit to our defense,” sabi ni Globalport coach Franz Pumaren, na ang koponan ay nalimita ang Rain or Shine sa 39 percent shooting mula sa field.

Bunga ng panalo, ang Batang Pier ang naging ikaanim na koponan na sumungkit ng puwesto sa quarterfinals matapos na isara ang kanilang kampanya sa elimination round na may 6-5 karta.

“We needed this game and we proved something, that we have this character that we just won’t give up,” sabi pa ni Pumaren.

Matapos na mahawakan ng Globalport ang 18-puntos na kalamangan, 90-72, may 7:47 ang nalalabi sa laro, binuhat ni Jeff Chan ang Rain or Shine para tapyasin ito sa 11 puntos, 90-79.

Subalit muling uminit ang mga kamay ni Romeo para mapigilan ang pagbangon ng Elasto Painters at palobohin ang kalamangan ng Batang Pier sa 23 puntos, 111-88.

Pinamunuan ni Chan ang Rain or Shine sa ginawang 26 puntos at tig-apat na rebounds at assists habang si Jay Washington ay nag-ambag ng 11 puntos at  limang rebounds para sa Elasto Painters.

Read more...