IGINIIT ni Tourism Secretary Wanda Tulfo-Teo na tinanggihan ni Vice President Maria Leonor “Leni” Robredo ang imbitasyon sa kanya na dumalo sa 65th Miss Universe pageant sa Pasay City bukas.
“Robredo had turned downthe invitation of the Department of Tourism (DOT),” sabi ni Teo sa panayam sa DZMM.
Nauna nang iniulat na sinabi ni Robredo na hindi siya dadalo sa coronation dahil hindi siya imbitado.
Iginiit naman ni Teo na natagalan lamang ang imbitasyon kay Robredo dahil gusto ng DOT na bigyan ang bise presidente ng VIP ticket na noo’y wala pa.
“Tinurn down n’ya. Hindi raw makakapunta, ‘yun lang ang sinabi,” sabi ni Teo,
“Ininvite namin pero nag-bail out siya. Actually nagkagulo pa ‘yan kasi sabi niya, hindi siya inimbita,” paliwanag pa ni Teo.
Matatandaang hindi rin inimbitahan si Robredo sa pagtitipon sa Malacanang.
“Sabi ko honestly, siya ‘yung unang-una kong ni-list down noon kung sino ‘yung mga invited. Ang VP ang una kong kinonsider,” giit ni Teo.
Matagal na namang inihayag ni Teo na nakareserba na ang upuan para kay Pangulong Duterte bagamat hindi pa tiyak kung siya ay dadalo sa Miss Universe.