ISASABAK sa mas mataas na timbang sina Eumir Felix Marcial at Rio Olympian Charly Suarez upang mas mapalakas ng tsansa ng Pilipinas na makapagwagi ng gintong medalya para sa nalalapit nitong paglahok sa 2017 Southeast Asian Games na gaganapin sa Kuala Lumpur, Malaysia sa Agosto 19 hanggang 31.
Napag-alaman ito mula sa Association of Boxing Alliances of the Philippines (ABAP) matapos nitong isumite sa Philippine Sports Commission-National Sports Association Affairs Office ang listahan ng mga posible nitong kandidato para sa paglalabanang mga kategorya sa pagdaraos ng ika-29 edisyon ng SEA Games.
“Wala pa naman final doon sa list kaya lang kailangan namin mag-comply sa mga procedures. Halos magkasabay kasi ang SEA Games at ang World Championships so dalawang team ang posibleng bubuuin para sa dalawang sasalihan na tournament,” sabi ni ABAP liaison officer John Reyes.
Si Marcial, na isa sa limang boxer na nagbigay ng ginto sa Pilipinas noong 2015 Singapore SEA Games, ay inaasahang isasabak mula sa 69kg tungo sa 75kg habang si Suarez na dating nasa 63kg ay inaasahang iaakyat ng timbang sa 65kg.
Ito ay matapos alisin ng nag-oorganisang Malaysia SEA Games Organizing Committee ang buong kategorya sa women’s division at ang mga dibisyon na kung saan malalakas ang tsansa ng mga Pilipinong boksingero na magwagi kabilang ang dibisyon nina Suarez at Marcial.
“Masyado kasing dikit ang petsa ng SEA Games at World Championships kaya pinag-aaralan ngayon ng husto ng coaching staff ang kanilang gagawin para sa mga boksingero natin,” sabi pa ni Reyes, patungkol sa kahalagahan ng dalawang torneo.