BUNGA ng pagkakapanalo sa huling dalawang laro nila, hindi lang gumanda ang tsansa ng Star Hotshots na makarating sa quarterfinal round ng PBA Philippine Cup.
Higit dito ay mayroon pa silang pag-asang masungkit ang ikalawa’t huling twice-to-beat advantage sa susunod na yugto.
Buhat sa 3-4 karta, ang Hotshots ay nagrehistro ng magkasunod na tagumpay kontra sa TNT KaTropa, 88-77, noong Enero 15. Isinunod nila ang Blackwater, 111-95, noong Miyerkules.
Ang mga koponang dinaig nila ay mga nasa itaas ng standings. Hindi pipitsugin ha!
So masasabing malaking morale booster iyon sa pangkat ni coach Ercito Victolero.
E, kung babalikan ang simula ng Hotshots ay mabuway ang nangyari. Para kasing ang tagal bago nila nakuha ang estilo ng kanilang bagong coach na humalili kay Jason Webb bago nagsimula ang season.
At hindi lang si Victolero ang bagong miyembro ng team. Kasi kumuha ng dalawang beterano buhat sa ibang koponan si Victolero sa katauhan nina Paul Lee na nasungkit sa Rain or Shine kapalit ni James Yap at Aldrech Ranos na nagbuhat sa Mahindra kapalit ni Alex Mallari.
Idinagdag din ni Victolero sa koponan ang apat na rookies na sina Jio Jalalon, Chris Javier, Samboy de Leon at Alvin Abundo.
Pero napagtiyagaan naman nina Victolero at ng Hotshots ang isa’t isa. At hayun ang resulta. Huli man daw at magaling ay nakakaarangkada na sila.
Maituturing na matindi ang naging epekto sa kumpiyansa ng Hotshots ang panalo kontra Tropang Texters. Kasi nga ay lubhang pinapaboran ito kaysa sa kanila. Perennial title contender ang TNT KaTropa. E, ang Hotshots ay hindi man lang nakakarating ng semis sa mga nagdaang conferences. In fact, anim na conferences na silang hikahos matapos na makakumpleto ng Grand Slam tatlong taon na ang nakalilipas.
So, dahil sa minaster nila ang Tropang Texters na tila pinaglaruan lang nila, natural na maghatid iyon ng danger signs sa ibang koponan.
Heto ang siste. Ang huling dalawang koponang makakasagupa ng Hotshots ay mga nasa ibaba ng standings. Mga teams na tuluyan nang nalaglag at naghahanap na lang ng karamay. Kalaban nila mamaya ang Meralco Bolts at sa Miyerkules ang Mahindra.
Natural na ang iisipin ng lahat kayang-kaya ito ng Hotshots. Baka nga ganoon din ang isipin mismo ng Hotshots.
Pero kung ganoon ang magiging mentalidad nila, malamang na maisama nga sila sa hukay. Hindi sila dapat magkumpiyansa. Kasi nga ay mas delikadong kalaban ang isang koponan na wala nang mawawala.
Prestihiyo na lang ang nais na makamit ng Bolts at Floodbusters. So, mas delikado nga, hindi ba?
Pero siyempre, dahil sa nakaalagwa na nga ang Star Hotshots, hindi nila hahayaang magdilim muli ang kanilang kinabukasan, Sawang-sawa na sila sa pangungulelat, e.
Panahon na ng pagresbak.
Kaya kaya nilang masungkit ang No. 2 spot?