Mga Laro Ngayon
(Filoil Flying V Center)
10 a.m. Perpetual Help vs Arellano (juniors)
12 n.n. St. Benilde vs Perpetual Help (men)
2 p.m. St. Benilde vs San Beda (women)
MAKUHA ang No. 3 spot sa semifinals ang paglalabanan ng nagdedepensang kampeong College of St. Benilde at San Beda College sa women’s division ng 92nd NCAA volleyball tournament ngayon sa Filoil Flying V Center, San Juan City.
Ang alas-2 ng hapon na duwelo ng St. Benilde at San Beda ay magsisilbi na ring warm-up para sa matira-matibay na labanan sa stepladder semifinals ng dalawa na nakatakda sa Lunes.
Winalis ng San Sebastian College ang elims kaya awtomatiko itong papasok sa finals na bitbit ang thrice-to-beat edge sa ikalawang sunod na taon.
Ang Arellano University ang umokopa sa No. 2 spot at may twice-to-beat advantage sa ikalawang stepladder semis.
Maghaharap naman sa men’s division ang reigning titleholder University of Perpetual Help at St. Benilde, na kapwa tumapos na may parehas na 8-1 record matapos ang eliminasyon, sa ganap na alas-12 ng tanghali upang paglabanan kung sino ang ookupa sa No. 1 spot.
Ang magwawagi ay sunod na sasagupain ang No. 4 Arellano habang ang mabibigo ay haharapin ang No. 3 San Beda sa Final Four sa Lunes.
Kapwa bitbit ng Altas at Blazers ang twice-to-beat incentive sa pagtapos sa unang dalawang puwesto.
Samantala, haharapin ng defending champion Perpetual Help ang Arellano sa knockout duel ngayon para sa karapatang harapin ang Emilio Aguinaldo College sa ikalawang stepladder semis sa juniors division.
Tumapos ang Junior Altas sa ikatlong puwesto na may 5-2 panalo-talong karta habang ang Junior Chiefs ay nasa ikaapat na puwesto sa bitbit na 4-3 marka upang magharap sa nakakaengganyong labanan sa unang stepladder semifinals sa ganap na alas-10 ng umaga.
Ang magwawagi sa dalawa ay uusad para harapin ang Emilio Aguinaldo sa Lunes kung saan bitbit ng huli ang twice-to-beat advantage matapos itong tumapos sa eliminasyon sa No. 2 na tangan ang 6-1 kartada.
Winalis ng Lyceum of the Philippines University ang lahat ng laro nito upang agad tumuntong sa kampeonato kung saan bitbit din nito na ang thrice-to-beat na bentahe.
Asam naman ni Perpetual Help coach Sandy Rieta na ibuhos na ang kanilang buong makakaya para sa krusyal na panalo upang mapanatili ang tsansang maipagtanggol ang korona.
“We will give it our best to get the win,” sabi ni Reita, kung saan una nang tinalo ang EAC sa finals noong nakaraang taon upang kilalaning juniors champions.