IKINAGULAT ng marami ang biglaang pagbitay sa Pinay OFW sa Kuwait kamakalawa.
Sa mahigit 20 taong pagbabantay at paglilingkod ng Bantay OCW, wala kaming maalalang inaanunsiyo ang eksaktong petsa at araw ng execution ng mga nakasalang sa death row.
Gagawin lamang nila ang anunsiyo sa mismong araw ng execution, o kaya pag tapos nang maisagawa iyon.
Hindi rin papangalanan ang pag-aanunsiyo kung sino-sino ang bibitayin.
Halimbawa sasabihin lamang na “isang Filipino national ang binitay ngayong umaga”.
Hindi rin makukuha ng pamilya ang bangkay upang maipalibing iyon. Sa Gitnang Silangan, mahigpit na sinusunod ang paglilibing sa loob ng 24 na oras.
At kung sa bahagi ng Saudi Arabia ginawa ang execution, may pinagdadalhan lamang sila sa mga binibitay mula sa death row. Isang common grave iyon at hindi matutukoy kung saang bahagi naroroon ang bangkay.
Ganyan kahirap ang dinaranas ng pamilya at kaanak ng mga nagdaraan sa ganitong klase ng kaparusahan.
Tuluyan nang hindi na nila nakikita ang mga mahal sa buhay.
Sa kaso ng OFW na si Jakatia Pawa, noong Mayo 2007 pa siya nasangkot sa kasong pagpatay sa 22-anyos na anak ng kaniyang employer sa pamamagitan ng pagsaksak diumano habang natutulog ito.
Gayong ayon sa imbestigasyon, hindi naman ‘anya nagtugma ang dugo na nakita sa murder weapon sa DNA ni Pawa, ngunit nanatili at hindi nabago ang sentensiya sa OFW.
Hindi naman ‘anya nagpabaya ang pamahalaan na iapela at tulungan si Pawa hanggang sa huling sandali.
May mga ulat na nakiusap pa mismo ang kapatid niyang opisyal sa Armed Forces kay mismong Pangulong Duterte.
Ayon naman sa Department of Foreign Affairs (DFA) mismong si Ambassador Renato Villa ang nagsumite ng apela sa Kuwait authorities upang maisalba pa sana ang buhay ni Pawa.
Sa batas na ipinatutupad sa Kuwait, kinakailangang tanggapin muna ng pamilya ang “Tanazul” o “Letter of Forgiveness” mula kay Pawa kasama na ang “Blood money”. Hindi iyon kailanman magiging kabayaran sa buhay na kinitil, kundi konsiderasyong ibinibigay sa pamilya bilang pampalubag-loob sa pagkawala ng kanilang mahal sa buhay.
Ngunit parehong hindi iyon tinanggap ng pamilya. Tinanggihan nila ang “Tanazul” pati na ang “Blood Money”. Kaya’t natuloy ang execution sa pito katao kasama na si Pawa.
Nakalulungkot isiping may mga kababayan tayong nahatulan ng kamatayan, at ang ilan ay naghihintay na lamang ng araw ng kanilang execution, sa kabila ng kanilang pagiging inosente sa mga kasong kinakaharap.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM, mula Lunes hanggang Biyernes, mula alas-10:30 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali. May audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com