PERSONAL naming kilala si Angeline Quinto at kabisado namin ang mga punchline niya sa buhay kaya nang mapanood namin ang pelikulang “Foolish Love” nila ni Jake Cuenca kasama sina Tommy Esguerra at Miho Nishida ay nasabi naming, adlib na ang ibang dialogue niya.
Ito rin ang feeling ng ilang katotong nanood sa premiere night ng pelikula dahil nga “very Angeline” raw ang bitaw nito ng linya kaya natural na natural at nakakatawa.
Sa cast party ng “Foolish Love” sa Amichi Restaurant (SM Megamall) noong Martes ng gabi ay ito agad ang tinanong namin sa singer-actress.
“May mga adlib naman ako ‘te Reggs na hindi ko sinunod sa script. Sabi ko kay direk (Joel Lamangan) sana payagan niya ako. Kasi kung hindi natural sa akin ‘yung nasa script, sana hayaan niya akong gumawa ng sarili ko.
“Halos marami naman po, alam mo ‘yung mga expression ng mga bakla, minsan po kasi hindi natural sa akin ‘yung ganu’n, kumbaga nagsasalita ako ng mga nakakatawang salita, pero hindi ko ginagamit ‘yun,” pag-amin ni Angge.
Sa rami ng adlib niya ay hindi na niya matandaan kung anu-ano ‘yung nang tanungin namin maliban sa isa, “Oh my God! Hindi ko maalala, ay ito, ‘yung nasa ospital si ate Cai (Cortez), ‘yung sabi ko, ‘in fairness friend, ang dami ko ng utang sa ‘yo, apat (anak) na agad ‘yung utang ko, bakit hindi mo pa kaya gawing lima (manganak ulit).’ Mga ganu’n,” say ng aktres.
Ano naman ang naramdaman niya nu’ng pinapanood niya ang nakakabaliw na love scenes nila ni Jake, “Hindi ko matignan ng diretso, kasi po nu’ng nag-dubbing naman ako, hindi naman ganu’n kalaki ‘yung screen, iniisip ko talaga ‘yung Mama Bob ko, kasi before po kami magpunta rito, sabi ko sa kanya, ‘Ma, trabaho lang ‘yun ha!’ Kasi siyempre kailangan kong ipaliwanag sa kanya, first time ko magkaroon ng eksenang ganu’n (laplapan). E, nandiyan si Mama Bob, so feeling ko naintindihan naman niya ‘yun,” sabi ni Angge.
Wala pa raw nakukuhang komento si Angeline mula sa Mama Bob niya dahil marami pang tao baka raw pag-uwi nila nu’ng gabing ‘yun ay magsasabi na sa kanya.
Sinubukan naming i-text si Angeline kahapon kung ano ang sabi ng Mama Bob niya pag-uwi nila, “Hindi raw po niya matignan ng diretso, napahawak na lang daw siya sa bibig niya. Tinanong niya kung wala raw bang daya ‘yun, totoong halikan daw ba ‘yun? Hindi naman po nagalit.”
Samantala, inamin ng komedyana na worth it naman ang maraming gabing puyat nilang lahat sa pelikula dahil maganda naman ang resulta. Sa tanong kung ito na ang pinaka-daring na gagampanan ni Angeline sa pelikula o there’s more, “Ganu’n naman po ako sa personal na buhay (sabay pakita ng suot niyang halos luwa na ang dibdib), hindi pa ba? Wala naman pong masama kung susubukan ko ‘yung mga bagay na first time kong gagawin lalo na pagdating sa pag-arte kaysa naman po magpa-sweet ako, e, hindi naman na ako 16 years old, di ba?
“Alam ko naman na maiintindihan ng mga tao ‘yun kasi nasa tamang edad na ako. Hindi man nakikita ng mga taong mayroon akong lovelife talaga, siguro nasa tamang edad na ako para gawin ‘yung mga bagay na ‘yun,” aniya pa.
Diretsong tanong kay Angge kung ipapanood niya ang “Foolish Love” kay Erik Santos na hanggang ngayon ay hinihintay siya kung kailan siya handang mag-asawa, “Hindi ko po alam, kasi hindi niya po alam na may mga ganitong eksena, hindi ko rin sinabi sa kanya. Kung sakaling mapanood niya o mabasa niya, e, nasa sa kanya na po ‘yun. Ako ay trabaho lang naman, sana walang magbago (sa relasyon nila ni Erik),” pahayag ng aktres.
Ano naman reaksyon niya nang sabihin nina direk Manny Valera at Joel Lamangan na magaling siya sa pelikula, “Sabi ko naman po sa kanila, ultimate idol ko talaga sa pag-arte ay si Ms. Maricel Soriano, kaya nu’ng nabigyan ako ng chance na makagawa sa Regal Films, hindi ba si Ms. Maricel lahat ng sumikat niyang pelikula noon ay under Regal Films din?
“Kaya sabi ko kung mabibigyan ulit ako ng chance, sana horror kasi mahilig din ako sa horror at idol ko naman po si Ms. Janice (de Belen,” ani Angge.
Palabas na ang “Foolish Love” sa mga sinehan handog pa rin ng Regal Entertainment.