Sampu katao ang napatay at 62 pa ang nadakip sa magkakasunod na operasyon kontra iligal na droga at paglabag sa firearms law, sa loob ng 24 oras sa Bulacan, ayon sa pulisya.
Kabilang sa mga napatay ang isang dating pulis na may ranggong PO2, habang kabilang sa mga naaresto ang isang konsehal ng Dona Remedios Trinidad at isang barangay chairman ng Hagonoy, ayon sa ulat ng Bulacan provincial police.
Nakasamsam din ng kabuuang 227 sachet ng hinihinalang shabu, 16 pakete ng hinihinalang marijuana, 18 baril, tatlong granada, sari-saring bala, at mga drug paraphernalia.
Isinagawa ang mga operasyon sa 22 ng 24 bayan ng Bulacan mula alas-12 ng madaling-araw Martes hanggang alas-12 ng madaling-araw Miyerkules, ayon sa ulat.
Napatay si dating PO2 Beejay Rigor at ang kasama niyang si Rafael Jenca sa buy-bust operation sa Brgy. Partida, Norzagaray, alas-11:30 ng gabi Martes.
Walong iba pang drug suspect napatay sa mga buy-bust at raid na nauwi sa engkuwentro, sa Sta. Maria, Plaridel, Pandi, San Rafael, Meycauayan City, San Jose del Monte City, at San Miguel, ayon sa ulat.
Nadakip si Dona Remedios Trinidad Councilor Gino San Pedro sa Brgy. Bayabas alas-3 ng hapon Martes para sa paglabag sa Comprehensive Law on Firearms and Ammunition, gaya ng barangay chairman na si Cirilo Trillana, sa Brgy. Sto. Nino, Hagonoy, ala-1 ng umagang iyon.
Ang 60 pang nadakip ay pawang mga suspek sa mga kasong may kinalaman sa iligal na droga, paglabag sa batas na nagreregula sa baril, at pagnanakaw, sa Guiguinto, San Jose del Monte City, San Ildefonso, Obando, Meycauayan City, Baliwag, Paombong, Pandi, Marilao, Angat, Bocaue, Bulakan, Balagtas, Pulilan, Bustos, San Miguel, Plaridel, Sta. Maria, at San Rafael. (John Roson)
– end –