Huwag sanang pumalpak si Diño

SANA ay hindi magkamali itong si Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) chairman Martin Diño sa pagpili kung alin sa tatlong malalaking kompanya ang pahahawakin niya sa pag-ayos sa Subic Airport.

Mahalaga para sa mga taga-Luzon, para sa mga taga-Metro Manila lalo na, ang pagsasaayos ng Subic Airport upang mabawasan ang bilang ng mga eroplano na umaalis at lumalapag sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Meron ngang mga nagsasabi na mas madali pang pumunta sa Subic kaysa pumunta sa NAIA dahil sa trapik, kaya ‘yung ibang taga-Metro Manila lumalabas ng bansa sa pamamagitan na lamang ng Clark International Airport, at mas mura rin ang pasahe roon.

Dahil ginamit ng mga sundalong Amerikano ang Subic airport dati, maaaring lumapag doon ang mga malalaking eroplano.

Noong 2009 huling nagamit ang Subic airport matapos na isara ng Federal Express (FedEx) ang kanilang Asia-Pacific transshipment hub.

Ang mga interesado umano sa paggawa sa Subic airport ay ang AIA Airways, Intercontinental Pacific Airways at RIL International & Global Link Co., Ltd.

Gagastos umano ang AIA Airways ng $1.5 bilyon para gawin itong logistic center at transhipment hub para sa cargo airline operation at maintenance repair station ng mga eroplano.

Ang RIL International & Global Link Co., Ltd ay gagastos din ng $1.5 bilyon para maglagay ng modernong airport terminal, hotels, theme parks at sports complex.

Ang Intercontinental Pacific Airways ay gagawa naman ng $48 milyong airlines operations center sa lugar.

Bukod sa makakatulong sa pagpapaluwag ng NAIA, makakalikha rin ito ng dagdag na trabaho.

Kung pinaboran umano ng nakaraang administrasyon ang mga premium o mamahaling sigarilyo, ang lokal na tabako naman ang gustong buhayin ng kasalukuyang gobyerno.

Noong nakaraang administrasyon, ipinasa ng Kongreso ang batas sa pagbubuwis para maging pantay ang buwis na i-binabayad ng mga premium at lokal na yosi.

Sa inaprubahang panukala ng kasalukuyang Kamara mas mahal ng P4 ang buwis ng bawat kaha ng premium na yosi.

Para kay House deputy Speaker Eric Singson ng Northern Alliance kung saan nanggagaling ang malaking suplay ng lokal na tabako ng bansa, tama lang na mas mataas ang buwis ng premium para makalaban naman ang pupugak-pugak na lokal na tabako.

Paliwanag nga ng isang mambabatas, papaano mananalo ang isang owner-type jeep na gawa sa Cavite kung hindi nalalayo ang presyo nito sa mamahaling Mercedes Benz. Kung konti lang ang diperensya ng presyo ng Mercedes sa halaga ng owner-type jeep, bakit ka pa bibili nito, eh di sa Mercedes ka na.

Mula sa pagbabago sa Sin tax law ay tinatayang madaragdagan ng P14 bilyon ang kita ng Duterte government mula sa sigarilyo.

Umapela na rin ang National Federation of Tobacco Farmers Association and Cooperatives na ipasa na ang panukala para matulungan ang mga lokal na magsasaka.

Natuwa naman ako noong Linggo.

Meron kasing mga traffic enforcer na nanghuhuli sa General Luna st., sa bahagi ng Guitnang Bayan I sa bayan ng San Mateo sa Rizal.

Hinuhuli yung mga driver na naghihintay ng mga pasahero kaya nagtatrapik sa lugar.

Kung ganito nang ganito ay malamang na tumino ang mga pasaway na driver na hintuan nang hintuan kung saan saan at kahit wala namang pumapara sa kanila.

Masikip na nga ang kalsada ay hindi pa sila tumatabi nang maayos kapag nagbababa at nagsasakay para hindi sila maunahan nung mga jeepney sa likod sa pagkuha ng mga pasahero.

Kung magiging madalas ang paghuli sa mga pasaway na driver ay magkakaroon ng dagdag na pondo ang munisipyo na magagamit sa magandang proyekto ni Mayora Tina Diaz. Mararamdaman ang ‘Tina Cares’.

Magsasawa rin ang mga driver na sumusuway sa batas trapiko sa kababayad ng multa. Lalo na yung mga ‘patok’ na nagka-counter flow at biglang lalabas yung kamay ng konduktor para sumingit sa mga nagtitiyaga sa pila ng sasakyan.

Read more...