ANG sarap talagang kakuwentuhan ni Alessandra de Rossi dahil ang dami-dami niyang kuwento (karamihan naman ay off-the-record) kaya hindi namin namamalayan na halos isang oras na pala kaming nag-uusap at kailangan na niyang magpaalam.
Kung wala lang siyang lakad ay hihingi pa kami ng extension sa aming one-one interview kay Alex.
Eversince naman ay interesting kausap si Alessandra lalo na ang mga one-liner niya na kapag ayaw o gusto niya ang tanong ay talagang sasabihin niya. Sobrang prangka ng babaeng ito kaya siguro marami ang natatarayan sa kaniya.
Nagpa-set kami ng one-on-one interview sa aktres dahil gusto naming malaman kung certified Kapamilya talent na siya dahil wala naman kaming nababalitaang pumirma na siya ng kontrata sa ABS-CBN kumpara sa ibang lumipat na.
Nag-guest si Alessandra sa FPJ’s Ang Probinsyano bilang tunay na ina ni Onyok, pero nawala na rin siya sa eksena dahil nga nasa malayong lugar na ang anak kasama ni Cardo Dalisay (Coco Martin) na nagtatago.
“Sa ngayon yes kasi may offer sa akin dito, ito ngang Probinsyano. Pero wala akong kontrata, walang ganu’n. I don’t even know kung may ino-offer.
“Sa totoo lang never din naman ako nag-wish na, ‘Uy (kontratahin n’yo ako), hindi naman ako ganu’n, kung saan lang ako may work, doon ako. Hindi naman ako logo ng istasyon para sabihang ingrata,” anang aktres.
Kung magkakaroon ng offer ulit ang ABS-CBN pagkatapos ng Probinsyano at Langit Lupa ay mananatili siya rito. Sa GMA 7 daw nagsimula si Alessandra at pumayag naman daw na mag-ABS-CBN siya dahil wala pang maibigay sa kanyang project ngayon.
“Alam naman ng mga bosses ko na may bills akong binabayaran kaya okay sa kanila na kung saan ako may offer, doon ako,” katwiran ng dalaga.
Mapili si Alex sa mga project kaya tinanong namin kung bakit tumanggap ulit siya ng mother role (ni Onyok)? Parang nata-typecast na kasi siya sa ganitong papel.
“Ang pinipili ko lang naman ay ayoko lang ng lovescene, ayoko ng sexy na role, ayoko ng wala akong matututunang values.
“Yung sa Ang Probinsyano, may redeeming factor ‘yung character ko dahil iniwan niya ‘yung anak niya tapos binalikan ko, gagawin ko ang lahat para makuha ko ang anak ko. Tao siya, nagkamali siya, inayos niya ang buhay niya, so bakit naman hindi.
“Okay naman ako sa mother role at nandoon na ako sa age na ‘yun, I’m 32 years old, so ang mga 32 may anak na, meron na silang 7-year-old, puwede silang may 10-year old.
“May in-offer sa akin na 18 years old ‘yung anak ko, siyempre hindi ko na tinanggap ‘yun kasi kahit na maiaarte ko siya ng tama, ‘yung itsura namin, puwede na kaming gumawa ng baby, eh! Ha-hahaha!
“So alam mo ‘yun, kahit anong gawin mo, kung phy-sically hindi naman nagma-match, hindi ko rin maibibigay lahat. Hindi ko kaya ‘yun maski sabi na papuputiin ang buhok ko, papatandain ako, hindi kasi ganu’n ‘yun, hindi siya magwo-work kasi magmumukha lang kaming tanga.
“Kaya ako mapili kasi ayoko rin na kapag napanood ang movie o serye ang reaksyon mo, ‘Ngiii! Ano ‘yun!?’ Gusto ko lagi believable,” mahabang paliwanag ng premyadong aktres.
q q q
As of now ay wala pang alam si Alessandra kung ano ang kasunod ng Ang Probinsyano at hindi naman daw siya nag-aalala, “Honestly, I’m not bothered, kasi ginagastos ko pa ngayon ay ‘yung iba ko pang suweldo (indie films at GMA).
“Hindi ko pa nga nakukuha ‘yung suweldo ko sa Probinsyano, eh!” tumatawang sabi ng aktres. “Of course, I want a regular job or show, sana mabigyan ako. But I can wait. Hindi ako nagmamadali,” sabi pa ni Alex.
Ang ipinagpapasalamat ni Alessandra ay hindi raw siya nawawalan ng project tulad nga ng indie films dahil ang dami na raw niyang nagawa. Tinanong namin siya kung paano niya napagkakasya ang kinikita niya dahil hindi naman kalakihan ang bayad sa indie films.
“Siyempre sa budget hindi (kasya lahat), pero may tinatawag na project for the soul, may projects for the pockets, kapag puro pocket, magsasawa ka rin, eh. Darating ka sa point na never kang nagkaproblema sa pera, gutom na gutom naman ang kaluluwa mo na, ‘Diyosko, wala naman akong problema sa pera, pero ayoko nang mga ginagawa kong panget (pelikula)! Ganu’n ang feeling.
“Pag puro indie naman, wala naman akong problema sa ginagawa ko, ang saya-saya ko, pero may problema ako sa pera, guys. Nababalanse naman awa ng Diyos, everytime na may ginagawang something na ikinalungkot ko.
“Ano ba naman itong role na ito, lagi namang may sisingit na indie films sa gitna. Mabait talaga ang Diyos sa akin, nababalanse niya lahat ‘yun,” kuwento ng aktres.
Bukas, ibabahagi namin sa inyo kung bakit lumipat na ng talent management si Alex, mula sa pangangalaga ni direk Manny Valera ay nasa Cornerstone na siya ni Erickson Raymundo.