Lady Stags wala pa ring talo sa NCAA Season 92 volleyball

ISANG panalo na lang  ang kailangan ng San Sebastian College para mawalis nito ang elims at agad na makakuha ng puwesto sa Finals.

Ito ay matapos na masungkit ng Lady Stags ang ikawalo nitong panalo kahapon kontra Lyceum of the Philippines University, 25-21, 25-19, 25-17, sa women’s division ng NCAA Season 92 volleyball tournament sa Filoil Flying V Center.

Sinandigan ng Lady Stags sina back-to-back MVP Grethcel Soltones at Joyce Sta. Rita na kapwa nagtala ng 13 puntos.

Nagtala si Soltones ng 12 hits at isang service ace habang may 11 hits at 2 blocks si Sta. Rita.

Sunod na sasagupain ng San Sebastian ang defending champion College of St. Benilde sa pinakahuling araw ng labanan sa eliminasyon bukas.

Sakaling mawalis ng San Sebastian ang elims ay magkakaroon ito ng  thrice-to-beat advantage sa Finals.

Ang ikalawa hanggang ikaapat na koponan naman ay dadaan sa isang  step-ladder semifinals para makarating sa Finals.

Bunga ng pagkatalo, tuluyan namang napatalsik ang Lyceum sa labanan para sa Final Four.

Read more...