KAPIT-TUKO si Ronald “Bato” dela Rosa sa kanyang puwesto bilang hepe ng Philippine National Police (PNP) kahit na dalawang mambabatas na ang nanawagan na siya’y magbitiw.
Pinagre-resign si Bato dahil sa pagpatay kay Jee Ick-joo, isang Korean businessman, ng mga pulis na kumidnap sa kanya sa loob mismo ng Camp Crame.
Ang mga nananawagan na magbitiw si Dela Rosa ay sina Speaker Pantaleon Alvarez at Antipolo City Rep. Romeo Acop, isang retired general ng PNP.
Sinabi ni Alvarez, matalik na kaibigan ng Pangulo, na ang pagbibitiw ni Bato ay sasalba sa Pangulo sa “kahihiyan.”
Sinabi naman ni Acop na kung siya si Bato, “Ako mismo ang mag-resign kasi nangyari sa aking bahay at sarili ko pang mga tauhan ang involved.”
Pero pinagtanggol mismo ng Pangulo si Bato at pinigilan itong magbitiw.
Malaki na nga ang ulo ni Bato at mas lumaki pa ngayon dahil pinagtanggol siya ni Mano Digong.
Kaya naman pala malakas ang loob ni Bato na sabihin na yung mga taong ibig siyang pagbitiwin sa puwesto ay dapat sabihin sa Pangulo na siya’y alisin.
Alam niya na hindi siya pakakawalan ni Mano Digong.
Okay sana si Bato kung siya’y nagtatrabaho ng husto, pero puro lang kasi siya daldal at kulang sa gawa.
Ibang-iba na raw si Bato ngayon, ani Sen. Ping Lacson na naging boss niya sa Presidential Anti-Organized Crime Task Force (PAOC-TF).
Ani Lacson, noong araw ay unassuming o hindi mayabang si Bato at tahimik siyang nagtatrabaho.
Iba na ngayon si Bato: hambug at insensitive o walang pakialam sa feelings ng ibang tao.
Ang pagiging insensitive ni Bato ay lumabas sa kanyang sinabi, “Bakit maibabalik ba ang buhay ng Koreano kung hindi ako dumalo sa concert?.”
Pinuna kasi ang PNP chief ng isang reporter na siya’y nakita sa concert ng international singer na si Bryan Adams habang mainit ang balita tungkol sa pagkakakidnap at pagpatay sa Koreano sa loob mismo ng Camp Crame.
Dagdag pa ni Bato na nahuli na naman daw ang mga salarin at kailangan naman daw niya ng kaunting dibersiyon.
Dapat alalahanin ni Dela Rosa na kung hindi pa naiulat sa INQUIRER, sister newspaper ng Bandera, ang tungkol sa pagkidnap kay Jee baka hanggang ngayon ay di pa malalaman ng publiko ang malagim na sinapit ng Koreano.
Baka hanggang ngayon ay nakakawala pa si SPO3 Ricky Sta. Isabel, yung pumatay sa sakal kay Jee.
Dahil sa report ng INQUIRER ay umaksyon agad ang PNP at hinuli si Sta. Isabel.
Kung hindi sa report ng INQUIRER ay baka hindi rin malalaman ni Bato na pinatay ang isang inosenteng tao sa isang opisina na malapit sa “White House,” official residence ng PNP chief.
At kung hindi sa report ng INQUIRER ay hindi maisiwalat ang buong pangyayari ng kidnapping ng Koreano sa kanyang tahanan sa Angeles City hanggang sa pagpatay sa kanya sa loob mismo ng Camp Crame.
Matatandaan na ang Koreano ay kinidnap noong Octubre ng 2016 pa at naireport lang ang insidente mga dalawang linggo lang ang nakararaan.
Pinaghahanap pa ng misis ni Jee nang maireport ito ng INQUIRER at kaya lang kumilos ang PNP dahil sa report.
Marahil siya’y maskulado kaya’t mahinang kumilos si Bato kaya’t naunahan pa siya ng INQUIRER sa balita na may nakidnap na Koreano.
Anong klaseng PNP chief ito?