DATI’Y pa-blind item lang kung isulat ang kalat nang kuwentong nagdadalantao si Kylie Padilla. May mga diumano, may raw at daw, pero ngayon ay pinapangalanan na ang aktres tungkol sa kanyang sitwasyon.
Walang ibang itinuturong diumano’y ama ng kanyang dinadala ngayon kundi ang nakahiwalay-nakabalikan niyang boyfriend na si Aljur Abrenica.
Madaling tumbukin kahit nu’ng una pa lang ang blind item. Ang mga ibinibigay na clue—may mahigpit siyang ama, isa sa mga artista ng isang malaking palabas sa isang network, nagkahiwalay sila ng kanyang boyfriend na aktor pero kailan lang ay nagkabalikan sila.
Lahat ‘yun ay tumutumbok kay Kylie Padilla, anak ni Robin Padilla, na nu’n pa man ay hindi masyadong paborable kay Aljur bilang karelasyon ng kanyang anak.
Nasa wastong edad na sina Aljur at Kylie, kung totoo man ang mga kuwentong nagdadalantao na nga ang aktres ay pareho na nilang puwedeng pagdesisyunan ang sitwasyon, maaaring meron na silang nakaplantilyang plano tungkol sa kanilang hinaharap.
Nasa Australia ang ina ni Kylie, ang may ibang pamilya na ring si Liezl Sicangco, may mga nagsasabi na anumang oras daw ngayon ay puwedeng lumipad papuntang Australia si Kylie Padilla para du’n na manganak.
Hindi pa man kinukumpirma nina Aljur at Kylie ang umiikot na kuwento ay parang kumpleto na ang script ng panganganak ng aktres.