Bato: Nagsisinungaling si SPO3 Sta. Isabel

sta.-isabel

SINABI ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa na nagsisinungaling si SPO3 Ricky Sta. Isabel, ang pangunahing suspek sa pagpatay sa negosyanteng South Korean na si Jee Ick-joo sa loob mismo ng Camp Crame headquarters.

Nakipag-usap si dela Rosa kay Sta. Isabel nang dalhin sa PNP Anti-Kidnapping Group headquarters na nasa Crame rin.

Nangyari ang pagpatay kay Jee gabi noong Oktubre 18.

Isinilbi ng PNP AKG ang arrest warrant dahil sa kasong kidnapping with homicide laban kay Sta. Isabel habang nasa kustodiya siya ng NBI. Pansamantala siyang nakakulong sa PNP Custodial Center.

“Parang puro self-defense. Puro alibi. ‘Yung taong naipit na gumagawa ng mga storya, halata mo naman ‘yon kahit na hindi ako graduate ng Psychology. I’ve been investigating noon noon pa. Alam ko ang taong nagsisinungaling. I’m not judging him but I know my men,” sabi ni dela Rosa.

Idinagdag ni dela Rosa na naging kalmado naman ang kanilang pagkikita ni Sta. Isabel.

“Hindi na ako galit sa kanya kasi nakakulong na siya. Ngayon nakakulong na okay na ako,” ayon pa kay dela Rosa. Inquirer.net

Read more...