Kaibigan ni Du30, biktima ng Tokhang for Ransom

rodrigo duterte

Isang negosyante na kaibigan ni Pangulong Duterte ang naging biktima rin ng Tokhang for Ransom.
Ayon kay Kabayan Rep. Harry Roque ang biktima, na hindi niya pinangalanan, ang Filipino-Chinese ay isang sugar trader.
Sinabi ni Roque na kakilala niya ang biktima at siya ang tumawag kay Executive Secretary Salvador Medialdea upang humingi ng tulong. Agad umanong kumilos ang Malacanang kaya napakawalan ang biktima.
Ang biktima ay isa sa mga inimbitahan para sa inagurasyon ni Duterte.
“Buti na lang ang kaibigan kong ito nakakatawag sa Malacanang hindi lahat may kakilala,” ani Roque.
Pinuntahan umano ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group ang negosyante sa bahay nito sa Bulacan at sinabi na mayroon itong warrant of arrest. Nangyari umano ang pagdukot noong Agosto.
Binuhat umano ang negosyante ng maghanap ito ng kopya ng warrant.
Pagbabanta ng mga pulis, kung hindi magbibigay ng ransom ang pamilya ay lilitratuhan nila ang biktima kasama ang 20 kilo ng shabu.
Una umanong nagbigay ng P400,000 ang pamilya ng biktima at P800,000 ang sumunod nilang ibinigay. Umabot umano sa P1.6 milyon ang kabuuang ransom na naibigay.
Inilapit din kay Sen. Panfilo Lacson ang kasong ito, ayon kay Roque.
Naghain umano ng kaso ang biktima sa Department of Justice laban sa pitong miyembro ng CIDG-Bulacan subalit hanggang ngayon ay hindi pang naisasampang kaso sa korte.

Read more...