Kinukonsidera ni Sen. Joel Villanueva ang paghahain ng contempt laban sa isang dating opisyal ng Bureau of Immigration (BI) dahil sa umano’y kabiguan na ihayag sa pagdinig ng Senado ang sinasabing p50 milyong alok na suhol mula sa gambling tycoon na si Jack Lam.
Inihayag ni Villanueva ang plano ng Senate committee on labor, employment and human resources development, na kanyang pinamumunuan sa pagdinig ng Senate blue ribbon committee kaugnay ng bribery scandal kahapon.
Idinagdag ni Villanueva na humarap si dating BI Associate Commissioner Al Argosino sa pagdinig ng labor committee noong Disyembre 7 ngunit hindi niy binanggit ang P50 milyon na umano’y tinanggap nila ng kanyang mga kasamahan mula kay Lam.
Ngunit ilang araw matapos humarap sa pagdinig ng Senado, inamin ni Argosino at isa pang BI Associate Commissioner na si Michael Robles, sa isang press conference kaugnay ng suhol.
Ibinalik nila ang P30 milyon kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre II.
“Hawak-hawak na pala nila itong P50 million na ito kay Jack Lam noong humarap sila sa amin. Nakakasama ng loob Mr. Chairman dahil harap-harapan, pagdating sa amin ay nagsinungaling itong dating associate commissioner ng BI,” sabi ni Villanueva sa pagdinig ng blue ribbon committee, kung saan inimbitahan sina Argosino and Robles. Inquirer.net