MABUTI naman at naagapan agad ang pagkalat na parang apoy ng hindi pagkakaintindihan nina Senador Tito Sotto at Aiza Seguerra sa usapin ng condom na magkaiba ang kanilang pananaw.
Sa pagkontra kasi ni Aiza sa paninindigan ng aktor-pulitiko ay nakapagbitiw ng pahayag si Senador Tito Sotto na hindi raw yata alam ni Aiza kung saan siya nanggaling at nagpatalo siya sa emosyon ng isang bagitong pulitiko.
Pero nagkaroon na sila ng komunikasyon. Kay Aiza nanggaling ang unang hakbang. Ipinaliwanag niyang mabuti sa kanyang Tito Sen ang kanyang posisyon, at naunawaan naman ‘yun ng aktor-pulitiko.
Magandang hakbang ang ginawa ni Aiza. Sa edad na edad na lang ay dapat lang namang siya ang magpahinuhod. Maaalala rin na naging Aiza Seguerra siya dahil sa Tito, Vic & Joey na itinuturing niyang ninong at ama-amahan sa mundong ginagalawan niya.
Si Aiza ang talo sa paghusga ng ating mga kababayan dahil napakalaking papel ang ginagampanan ni Senador Tito sa kung anuman siya ngayon. Hindi pa man ay nahusgahan na nga agad siya.
Konting hinay-hinay sa mga pinapasukang giyera. Hindi sapat ang basta makapaglabas lang ng saloobin. Kailangang tinitingnan din natin kung ano ang kahihinatnan ng pinapasok nating giyera ng salitaan.
Napakamarkado pa naman sa kulturang Pinoy ng pagpapahalaga sa utang na loob. Kahit tama naman tayo ay pilit pa ring eeksena sa argumento ang utang na loob.